Kaugnay ng kontrobersyal na flood control at infrastructure projects sa Ilocos Norte, lumutang ang pangalan ni Justice Undersecretary Jose “Jojo” Cadiz Jr., trusted aide ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos matuklasang malapit ang ugnayan niya sa JSJ Builders Inc., isang construction company na itinatag lamang noong 2023.
Sa nakalap na impormasyon ng Rappler, sa loob lamang ng dalawang taon ay nakakuha ang JSJ ng mahigit P200 milyon na kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa paggawa ng mga kalsada, tulay, at flood control structures sa Ilocos Norte, lalawigan kung saan nakabase ang pamilya Cadiz at Marcos.
Itinatag ang JSJ Builders noong Nobyembre 2023 ng anak ni Cadiz, na noon ay 19-anyos, na nag-ambag ng P35 milyon bilang paid-up capital. Ngayong 2025, siya, na 21-anyos at kasalukuyang nag-aaral pa sa kolehiyo, ang beneficial owner ng 97% ng stocks ng kumpanya, ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC) records.
Ayon pa sa ulat ng Rappler, nakakuha ang JSJ ng apat na kontrata mula sa DPWH, kabilang ang isang joint venture, na may kabuuang halaga ng P229 milyon. Ang lahat ng proyekto ay nasa Ilocos Norte, sa kabila ng head office ng JSJ na nakabase sa Quezon City.
Ayon sa Konstitusyon ng 1987, ipinagbabawal para sa isang undersecretary na magkaroon ng direkta o indirektang interes sa kontrata ng gobyerno. Ito rin ang ipinunto ni Eirene Jhone Aguila, abogado at political reform advocate.
“If a young college student ends up controlling tens or hundreds of millions in contracting power, the only responsible questions are: where did his funds come from — and where in turn did those go? Was this truly independent or is he carrying the weight of someone else’s influence?”
Tatlo sa mga kontrata ng JSJ ay galing sa 2025 national budget, na tinaguriang “most corrupt budget” ng ilang eksperto.
Lumabas din sa imbestigasyon ang ugnayan ng JSJ sa IGWT-JAV Construction and Development Company.
Ayon sa dokumento na nakalap ng Rappler, nagkaroon ng shared personnel at opisina ang dalawang kumpanya, indikasyon ng posibleng common control o collusion.
Dalawang proyekto sa Piddig, Ilocos Norte, na pinamumunuan ng JSJ, ay lumalabas sa listahan ng mga insertions ni Rep. Sandro Marcos, ayon sa dating kongresista na si Zaldy Co. Gayunpaman, mariin itong itinanggi ni Sandro Marcos, na sinabing peke at gawa-gawa lang ang alegasyon.
Hindi pa rin naglalabas ng opisyal na pahayag si Cadiz tungkol sa pinagmulan ng pondo ng anak niya para sa JSJ Builders.
Ayon kay DOJ Secretary Fredderick Vida, hindi maaapektuhan ng mga alegasyon ang kasalukuyang imbestigasyon ng DOJ sa mga proyekto ng DPWH.
Ang kontrobersiya ay naglalantad ng posibleng conflict of interest at transparency issues sa ugnayan ng mga opisyal ng gobyerno at pribadong kontraktor sa ilalim ng administrasyong Marcos.
