Tumanggi si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na humarap sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects, taliwas sa nauna niyang pahayag na bukas siyang maimbestigahan.
Ibinahagi ni Duterte sa kanyang Facebook page ang bahagi ng liham na ipinadala niya sa ICI, kung saan iginiit niyang walang kapangyarihan at hurisdiksiyon ang komisyon para ipatawag siya.
Ayon kay Duterte, “vague and ambiguous” umano ang imbitasyon ng ICI, at wala itong inilatag na partikular na detalye hinggil sa mga isyung umano’y hawak ng komisyon.
Sinabi rin ng kongresista na kompleto na ang Executive branch sa kinakailangang dokumento at impormasyon mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Budget and Management (DBM), at iba pang ahensya.
“Malacañang need not look to Congress for matters involving projects under the Executive’s supervision,” ayon kay Duterte sa kanyang liham.
Una nang naglabas si Duterte ng pahayag na handa siyang humarap sa imbestigasyon ng ICI.
“Una sa lahat, I welcome the investigation. Wala tayong tinatago, wala tayong tinatakbuhan, at wala tayong kinakatakutan,” aniya noong Miyerkoles.
“Mas maganda ngang imbestigahan – para makita kung saan talaga nanggaling ang problema at sino ang tunay na nakinabang.”
Kaugnay ng flood control scandal, ilang personalidad mula sa DPWH at iba pang sektor ang lumutang sa imbestigasyon na isinasagawa ng ICI, kabilang ang malalaking halagang umano’y na-divert sa mga kickback at anomalya sa proyekto.
Hindi pa naglalabas ng tugon ang ICI hinggil sa pagtanggi ni Duterte.
