Hinarap ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Huwebes sa Taguig kaugnay ng umano’y anomalya sa flood management projects.
Bago pumasok sa opisina ng ICI, sinabi ni Marcos sa mga reporter na siya ay “voluntarily” na dumalo at hindi iniimbitahan ng komisyon.
“I came here on a voluntary basis so I can help with the ICI in the investigation. I was not served a subpoena. I am not subject to any investigation,” ani Marcos.
Idinagdag niya na handa siyang magbigay ng impormasyon at kasagutan na makatutulong sa imbestigasyon. Humiling rin siya ng executive session, na pinayagan ng komisyon.
Matatandaang sinabi na ni Marcos sa nakaraang linggo sa isang liham sa ICI na bukas siyang humarap anumang oras.
“I welcome the opportunity to shed light on any matter that may assist your review. I stand ready to cooperate, answer questions, and provide any clarification needed to move this investigation forward,” saad niya,
Ang pagdalo ni Marcos sa ICI probe ay kaugnay ng alegasyon ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na nagsasabing si Sandro at ang kanyang ama ay nag-utos ng insertions sa national budget. Mariin namang itinanggi ni Marcos ang mga paratang at tinawag itong bahagi ng umano’y destabilization attempt.
“Anyone can sit in front of a camera from abroad and spew lies,” pahayag ni Marcos.
