Maglulunsad ang transport group na Manibela ng tatlong araw na transport strike simula Disyembre 9 bilang protesta laban sa umano’y labis na multa at pang-aabuso sa mga jeepney drivers, kabilang ang alegasyon ng extortion.
“Nationwide po itong ikakasa naming transport strike. Hindi lamang po dito sa NCR, sa mga kalapit rin po na mga probinsya sa Luzon, Visayas at Mindanao na nakikiisa sa aming panawagan,” saad ni Manibela chairman Mar Valbuena sa isang press conference nitong Huwebes, Disyembre 4.
Ayon sa grupo, layunin ng kilos-protesta na ipakita ang kanilang pagtutol sa sunod-sunod na umano’y pang-aabuso at kabiguan sa operasyon ng Land Transportation Office (LTO), na anila’y nagdudulot ng kahirapan sa maliliit na drayber at panganib sa kabuhayan ng kanilang pamilya.
Binanggit ng Manibela na ang mga multa ay umaabot umano ng higit P12,000, kasama ang suspensyon ng driver’s license at paglalagay ng demerit points. Idinagdag din nila ang lumalalang “payola system” at bribery” sa hanay ng mga LTO enforcers.
Pinaalalahanan ng grupo ang pagkaantala sa paglabas ng mga vehicle registrations, kahit na nabayaran na ang kaukulang fees ng mga operators at drayber.
“Marami ang hindi nakapag-renew, natabunan ang proseso, at hanggang ngayon ay walang ibinibigay na rehistro, malinaw na anyo ng panlilinlang at kapabayaan na nakaaapekto hindi lamang sa mga driver at operator, kundi pati sa mga mananakay na walang masakyan kapag nagkakaproblema ang operasyon,” pahayag ng grupo.
Ani Valbuena, maaaring palawigin pa ang strike kung magpapatuloy ang mga problema.
“Hangga’t pinapahirapan po kami, magtutuloy-tuloy ito,” dagdag niya.
