Inilista na sa Final 12 ng Gilas Pilipinas sina Allen Liwag at Justin Chua para ipagtanggol ang gintong medalya sa basketball sa 33rd Southeast Asian Games.
Ayon sa Philippine Olympic Committee (POC), kasama sila sa opisyal na listahan ng mga atleta na kalahok sa biennial na palaro, na inilabas noong Huwebes.
Kasama nila sa Final 12 sina Thirdy Ravena, Cedrick Manzano, Dalph Panopio, Robert Bolick, Matthew Wright, Ray Parks, Von Pessumal, Abu Tratter, Jamie Malonzo, at Veejay Pre. Ang final lineup ay nabuo sa gitna ng pagkakagulo sa patakaran ng SEA Games organizers.
Si Allen Liwag, na huling NCAA MVP para sa College of St. Benilde, ay bagong karagdagan sa roster, samantalang si Justin Chua ay kasalukuyang free agent sa PBA.
Ayon sa POC, ang listahan ay maaaring mabago depende sa clearance mula sa Thailand SEA Games Organizing Committee.
Ang Gilas Pilipinas roster ay ilang beses nang nabago dahil sa kalituhan sa eligibility rules, na nagresulta sa pagtanggal kina Justin Brownlee at Ange Kouame bilang naturalized players.
Tinanggal din ang ibang manlalaro gaya nina Remy Martin, Mike Phillips, Kymani Ladi, at Brandon Ganuelas-Rosser dahil sa mga isyu sa eligibility. (Ron Tolentino)
