Posibleng makulong muli ang dating senador na si Bong Revilla, na minsang nakulong dahil sa P224.5-milyong kickback mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), matapos irekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng criminal at administrative cases laban sa kanya kaugnay ng kontrobersyal na flood control scandal.
Inirekomenda ng ICI ang pagsasampa ng kaso laban kay Revilla para sa direct o indirect bribery, corruption, at plunder, base sa testimonya ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernardo, na ginamit ng komisyon bilang pangunahing batayan sa kanilang ulat sa Office of the Ombudsman.
Kasama rin sa mga inirekomenda ng ICI na masampahan ng kaso sina Maynard Ngu, umano’y bagman ni Sen. Chiz Escudero; Carleen Villa, staff ni dating senador at ngayo’y Makati Mayor Nancy Binay; Gerard Opulencia, DPWH NCR regional director; Manny Bulusan, DPWH South Manila district engineer; Ruel Umali, DPWH official; Gene Ryan Alurin Altea, DPWH Mimaropa regional director; J.Y. dela Rosa; Mrs. Patron; at Carlo Aguilar.
Sa isang press briefing, sinabi ni ICI Chairperson Andres Reyes na ang testimonya ni Bernardo at ang naipong dokumento ng komisyon ang nagpatibay sa rekomendasyon, na naihain na sa Ombudsman nitong Miyerkoles.
Matatandaang sa naunang pagdinig sa Senado, sina Bernardo at dismissed Bulacan district engineer Henry Alcantara ay nagbunyag ng umano’y malawakang korapsyon sa flood control projects at nagbanggit ng iba’t ibang opisyal na sangkot.
Ayon kay Bernardo, si J.Y. dela Rosa umano ang conduit ng kickbacks para sa staff ni dating Sen. Grace Poe, habang si Carlo Aguilar, na nagsasabing kamag-anak siya ni dating DPWH Secretary Mark Villar, ay nakakuha ng mahigit ₱2.8 bilyong halaga ng kontrata mula 2023 hanggang 2025 sa pamamagitan ng Motiontrade Development Corporation.
Bukod sa mga inirekomendahang sampahan ng kaso, ini-refer din ng ICI sina Senators Chiz Escudero at Mark Villar, at dating Senators Grace Poe at Nancy Binay, sa Ombudsman para sa further investigative review at case buildup.
Ayon sa komisyon, mayroon ding lumitaw na bagong ebidensya na maaaring humantong sa karagdagang kaso laban kina dating DPWH secretary Manuel Bonoan, Bernardo, dating congressman Zaldy Co, Commissioner Mario Lipana, Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza. Isusumite rin ang mga bagong ebidensyang ito sa Ombudsman.
Mariin namang itinanggi ni Revilla ang anumang pagkakasangkot, at tinawag na “walang kabuluhan” at “imbento” ang mga paratang.
“These are meaningless accusations fabricated by a criminal mastermind and his cohorts who are desperately buying their way to freedom,” pahayag ni Revilla.
Nakatakdang pag-aralan ng Ombudsman ang rekomendasyon ng ICI bago maglabas ng pormal na aksyon.
