Pinarangalan si Clark Development Corporation (CDC) President and CEO Agnes Devanadera bilang kauna-unahang recipient ng Governance Commission for GOCCs (GCG) Leadership Award, isang prestihiyosong pagkilala na itinuturing na pinakamataas na parangal para sa mabuting pamamahala sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Sa inilabas na pahayag ng CDC, binigyang-diin na ang nasabing award ay kumikilala sa pamumunong nakabatay sa good governance—ang pundasyon ng transparency, accountability at ethical leadership sa serbisyo publiko.
Ayon sa CDC, ang mabuting pamamahala ay nagsisiguro na ang mga desisyon ay ginagawa nang may pananagutan, ang pondo at yaman ng estado ay ginagamit nang mahusay, at ang mga polisiya ay naipapatupad nang patas at may integridad.
Para sa mga GOCC, mahalaga ang good governance upang mapatatag ang tiwala ng publiko, mapahusay ang operasyon, at mapangalagaan ang interes ng mamamayan, na kalaunan ay nag-aambag sa pangmatagalang pag-unlad at paglago ng ekonomiya.
Sinabi ng CDC na ang nakamit na parangal ni Devanadera ay hindi lamang bunga ng kanyang personal na husay, kundi patunay din ng kanyang matatag na paninindigan sa mga prinsipyong nagpapalakas sa mga institusyon at nag-aangat ng mga komunidad.
“Thank you for inspiring us all to uphold these values,” dagdag ng pahayag.
Nagpaabot din ng pagbati at hangarin ng patuloy na tagumpay ang mga opisyal at empleyado ng Clark Development Corporation. (Mina Paderna)
