INIHAYAG ni Navotas City Rep. Toby Tiangco na tutol siya sa pahayag ng abogado ni dating Congressman Zaldy Co na baka humiling ng house arrest o bail para sa dating mambabatas.
“Hindi tayo papayag na house arrest o bail. No bail ang recommendation ng Ombudsman para sa malversation at graft charges. Kapag simpleng barya ang kinuha ng isang tao, diretso kulong. Pero kapag bilyon-bilyon ang pinag-uusapan, biglang mag-rerequest ng bail o house arrest? No way,” pahayag ni Tiangco.
Ayon kay Cong. Tiangco, malinaw sa batas na ang kasong malversation of public funds at graft ay ilan sa pinakamabigat na krimen laban sa sambayanang Pilipino.
“Hindi ito sakit ng ulo na basta puwedeng ‘magpahinga sa bahay.’ Kung ordinaryong mamamayan walang lusot, bakit sa ilan may special request?” dagdag niya.
“Kung may tiwala ang kampo ni Co na malinis ang kanilang kliyente ay dapat harapin niya ang kaso sa loob ng kulungan, hindi sa sala ng bahay. Justice cannot be twisted to favor the powerful. Wag nang dagdagan pa ang nag-aalab na galit ng taumbayan,” giit ng mambabatas. (JUVY LUCERO)
