Arestado ang isang lalaki matapos maaktuhang nilooban ang isang hardware store sa Sitio Campanario, Jica Highway, Brgy. Pagkalinawan, Jalajala, Rizal, madaling-araw ng Nobyembre 23, 2025.
Ayon sa Rizal Police Provincial Office, bandang alas-2:00 ng umaga nang marinig ng barangay kapitan at isang kagawad ang kahina-hinalang ingay mula sa Ateng Construction Supply, na hindi kalayuan sa kanilang lokasyon habang ginagampanan nila ang tungkulin.
Agad nilang inusisa ang pinanggagalingan ng ingay at doon ay naabutan ang suspek na kinilalang si Ian, habang nasa akto ng pagnanakaw sa loob ng hardware store. Mabilis na inaresto ng mga opisyal ng barangay ang lalaki at dinala sa Jala Jala MPS para sa pormal na dokumentasyon.
Kabilang sa mga nakuhang ninakaw na items ang 9 Pcs. PPR Elbow, 9 Pcs. Umbrella Nail, 2 Pcs. CHB4, 1 Sack ng buhangin, 1 Motorcycle Rim, 1 Fish Basin, 1 Water Deeper at 1 Shovel.
Tinatayang nasa P2,941 ang kabuuang halaga ng mga ninakaw na gamit. Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya.
