Isang bangkay ng lalaking hinihinalang nalunod ang natagpuan ng isang mangingisda sa Laguna Lake, Brgy. Niogan, Pililla, Rizal, pasado alas-6:48 ng umaga ngayong Linggo, Nobyembre 23, 2025. Naiulat ito sa Pililla Municipal Police Station bandang 7:50 AM.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nagsasagawa ng panghuhuli ng isda ang saksi na si Rey, 35 anyos, residente ng Brgy. Niogan, nang mapansin niyang may katawan na palutang-lutang malapit sa kanyang lambat (skylab/panghuli ng dolong).
Dahil dito, agad niyang ipinaalam ang insidente sa mga opisyal ng barangay para sa kaukulang aksyon.
Pagdating ng mga rumespondeng pulis, nakita ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki, tinatayang 45–50 taong gulang, may balbas at bigote, katamtamang pangangatawan, humigit-kumulang 5’4” ang taas, kayumanggi ang balat, at nakasuot ng itim na polo shirt at brown maong shorts.
Sa isinagawang ocular inspection, walang natagpuang palatandaan ng pananaksak, pamamaril, o anumang indikasyon ng foul play sa katawan ng biktima.
Dinala ang bangkay sa San Juan Safe Haven Funeral Service sa Brgy. Bagumbayan para sa wastong pangangalaga at posibleng identipikasyon. Patuloy na inaalam ng Pililla police ang pagkakakilanlan ng biktima at ang eksaktong dahilan ng pagkamatay nito. (Arnold Pajaron Jr)
