Nasawi ang isang motorcycle rider matapos bumangga sa likurang bahagi ng isang nakaparadang truck sa C6 By-Pass Road, Brgy. Ampid 1, San Mateo, Rizal, madaling-araw ng Linggo, Nobyembre 23, 2025. Naiulat ang insidente sa San Mateo Municipal Police Station bandang 5:20 AM.
Batay sa imbestigasyon, nakahinto ang isang Isuzu stake body truck, sa gilid ng kalsada upang magpalit ng gulong sa eastbound lane patungong Batasan, Quezon City, nang biglang salpukin ito sa likod ng ng isang Honda motorcycle na minamaneho ng biktimang si Ren.
Dahil sa tindi ng impact, nagtamo ang rider ng malubhang sugat sa ulo. Agad siyang isinugod ng San Mateo MDRRMO sa Rosario Maclang Bautista General Hospital sa Batasan, ngunit idineklara siyang Dead on Arrival bandang 2:52 AM ni Dr. Decena Rashi.
Inilipat ang bangkay sa Kaagapay Funeral Homes para sa autopsy at pormal na pagtukoy sa sanhi ng kamatayan.
Arestado naman ang driver ng truck na si Roland, habang nagsilbing complainant ang kamag-anak ng biktima na si Lina.
Ang pag-aresto ay isinagawa ng mga Barangay Tanod na sina BPSO Fidel Gondra at BPSO Dave Abuan ng Brgy. Ampid 1.
Patuloy ang imbestigasyon ng San Mateo MPS upang matukoy ang kabuuang pangyayari at posibleng pananagutan sa kaso ng Reckless Imprudence Resulting in Homicide. (Arnold Pajaron Jr)
