“Crime doesn’t pay”
Iyan ang simpleng aral sa kaso ni dating Bambam Mayor Alice Guo, kaugnay nga sa naging hatol sa kanya ng Pasig Regional Trial Court.
Naniniwala tayo mga Cabalen, na hindi lamang ito simpleng parusa, kundi isa itong matinding sampal sa sinumang nag-iisip na kayang itago ang krimen sa likod ng kapangyarihan, koneksyon at pera.
Ang pagpapataw ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo kay Guo ay malinaw na mensahe na tapos na ang panahon ng pagpapanggap, pagtatago sa pekeng identidad, at paggamit ng posisyon para protektahan ang isang iligal na imperyo.
Ang hatol ay hindi basta kriminal na desisyon; isa itong pahayag na seryoso ang estado labanan ang human trafficking at online scam syndicates.
Kumbaga mga Cabalen, sinasara na ng hukuman ang pintuan para sa mga tulad niyang ginamit ang Pilipinas bilang sentro ng operasyon ng mga ilegal na POGO at human trafficking, isang industriyang kumikitil ng dangal, kalayaan, at kinabukasan ng daan-daang biktima.
Hindi biro ang nakita sa Zun Yuan compound sapagkat humigit-kumulang 800 biktima, Pilipino at dayuhan, ang na-rescue matapos sapilitang pagtrabahuhin, bugbugin, at takutin ng sindikato.
Hindi lamang pera ang ninakaw sa kanila, pati ang dignidad. Tsk!
Kung hindi tumakas ang isang Vietnamese worker noong 2024 at maglakas-loob na tumawag ng pulis, baka patuloy pang nag-ooperate ang pitong ektaryang pugad ng pang-aabuso, may swimming pool man o magagarang villa.
Ang mga dokumento at ebidensyang iniharap sa korte ay malinaw na si Guo, o Guo Hua Ping, ang presidente at may-ari ng lupa at kumpanyang Baofu Land Development. Ang umano’y divestment bago siya tumakbo bilang mayor? Tinawag ng korte kung ano ito, kahina-hinala at hindi kapani-paniwala.
Lalong nakakatindig-balahibo ang koneksyon niya kay Huang Zhiyang, isang kilalang lider ng Chinese mafia. Ang Pilipinas ba ang ginawa nilang playground? Hindi na ngayon, mga Cabalen.
Bawat isa sa mga nahatulang kasabwat ay may habambuhay na kulong at P2 milyon na multa bawat kaso. At hindi pa yan nagtatapos.
Kasi nga naman, kinumpiska ng estado ang P6 bilyong compound, 27 bank accouts, 18 luxury vehicles at 15 ari-arian sa Tarlac, Bulacan at Las Piñas.
Ang sakit sa bangs nito, mga Cabalen.
Lahat kailangang dumaan sa forfeiture. Malinaw naman na hindi ka pwedeng yumaman mula sa krimen at asahang mananatili ang mga luho mo.
Aba, hindi lang ito panalo ng gobyerno, ito’y moral victory. Mantakin ninyo na sapanahon ang bansa ay pinamumugran ng POGO-linked crimes, identity theft, cyber extortion at espionage e klaro naman po mga Cabalen, na hindi tatanggapin ng Pilipinas ang panlilinlang, kahit gaano pa kalaki ang sindikatong nakatago sa likod nito.
Sabi nga ni Sen. Risa Hontiveros: “The Philippines is not a playground for exploitation, infiltration, and espionage.”
Tama naman po, ‘di ba mga Cabalen? At dapat matakot ang sinumang sumusubok pa ring makalusot sapagkat “Accountability is coming. Justice finds a way.
Habang may mga gaya ni Guo na makakalusot sa halalan gamit ang pekeng identidad, hindi sila makakalusot sa batas. Ang hatol na ito ay hindi lang pagsasara ng isang kaso kundi ito ang pagbubukas ng panibagong yugto ng laban kontra sindikatong ginagamit ang Pilipinas bilang base ng operasyon.
Malinaw naman po mga Cabalen, na sa Pilipinas, ang krimen, lalo na ang krimeng nanalanta ng buhay, hindi kayang bayaran ng kahit gaanong kayamanan. Boom!
