CAINTA, Rizal — Arestado ng mga operatiba ng Rizal Provincial Cyber Response Team at Cainta Municipal Police Station ang dalawang suspek sa isinagawang entrapment operation kaugnay ng kasong Grave Coercion, Robbery by Extortion, at paglabag sa Section 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, dakong 4:35 p.m., Nobyembre 21, 2025.
Pinangunahan ang operasyon ni PCPT Angelo M. Astrero, kasama ang Cainta MPS sa pamumuno ni PLTCOL Alfredo DG Lim, at nasa ilalim ng direktang superbisyon ni PCOL Irene C. Cena, Chief ng RACU 4A. Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto ng pangunahing suspek na si McKenzo Montoya at kasamahan nito.
Batay sa imbestigasyon, nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng biktimang si alyas “Enrico”, na nakatanggap ng banta mula sa suspek sa pamamagitan ng WhatsApp. Ayon sa biktima, tinakot umano siya na ikakalat ang kanyang explicit photos at videos kung hindi siya magbabayad ng ₱35,000 bilang kapalit ng umano’y pagbura ng mga larawan at video.
Narekober at nakumpiskang ebidensya sa mga suspek ang Isang iPhone 12 Pro Max, isang Tecno Slim cellphone, isang Realme cellphone, isang driver’s license at isang SSS ID sa pangalan ng suspek, isang Toyota Vios, at isang P1,000 marked money (serial number LU828879)
Agad na binasa sa mga suspek ang kanilang Miranda Rights at probisyon ng Anti-Torture Act, sa wikang kanilang lubos na naiintindihan.
Dinala ang mga suspek sa Cainta Municipal Police Station para sa pansamantalang detensyon, dokumentasyon, at tamang disposisyon habang hinihintay ang inquest proceedings.
Patuloy ang imbestigasyon ng c yber response team upang matukoy kung may iba pang nabiktima ang grupo. (Arnold Pajaron Jr)
