Isang babae na kinilala lamang sa alyas na “Beshie” ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng Cainta Municipal Police Station sa Dulong Parola, Barangay San Andres, dakong 12:55 A.M. ng Nobyembre 22, 2025.
Batay sa ulat ng Station Drug Enforcement Team, ang operasyon ay isinagawa sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek at pagkakakumpiska ng hinihilang ipinagbabawal na droga.
Nasamsam sa operasyon ang tatlong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng puting kristal na substansiyang hinihinalang shabu, tinatayang tumitimbang ng humigit-kumulang 5 gramo at may standard drug price na P34,000; isang P500 marked money (serial no. AU6786942); at P600 na hinihinalang drug money.
Ayon sa pulisya, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang nauunawaan niya alinsunod sa batas.
Matapos nito, siya ay dinala sa Cainta Municipal Hospital para sa pisikal at medikal na eksaminasyon bago ilipat sa kustodiya ng himpilan kasama ang nakuhang ebidensya para sa wastong disposisyon.
Ang suspek ay nakatakdang dalhin sa Rizal Provincial Forensic Unit upang sumailalim sa drug test.
Samantala, inihahanda na ang kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa Office of the Provincial Prosecutor of Rizal.
Nakahanda na ring isumite ng Cainta Municipal Police Station ang kanilang opisyal na written report kaugnay ng insidente. (Arnold Pajaron Jr)
