CAINTA, RIZAL — Agad na sinibak ni Mayor Keith Nieto ang isang traffic enforcer na nahuling nangongotong umano sa isang motorista na inaakusahan niyang lumabag sa traffic rules.
“May nadaanan akong post ngayon, nirereklamo ang isang enforcer natin, nangikil daw,” ayon kay Nieto.
“Pinatawag ko ang in charge ng town security. Umamin ang enforcer, humingi daw siya ng P500 pero P250 daw ang binigay. Labas ang order. Terminated ang enforcer ora mismo. Hindi tayo gagalangin kung ’di tayo aayos.”
Ayon sa motorista, sinita siya ng enforcer dahil sa swerving at sinabihang P2,500 umano ang multa. Kalaunan ay hiningan siya ng P500 kapalit ng hindi pag-isyu ng ticket.
“Ask ko lang po kung may ganun ba talaga sa Cainta… swerving violation ko, P2,500 daw pero kapag nagbibigay daw sila ng penalty, P500 daw at di na titicketan,” saad ng motorista sa Facebook post na naging viral.
Sa liham na may petsang 21 Nobyembre, inirekomenda ni Constancio Daga Jr., officer in charge ng One Cainta Town Security, ang agarang pagsibak sa enforcer dahil sa “serious violation” ng polisiya ng departamento.
Noong 20 Nobyembre, natanggap at naverify ng Traffic Department ang mga reklamo ng pangongotong. Isang preliminary inquiry ang nagsiwalat na may sapat na basehan upang patunayang gross misconduct at malinaw na paglabag sa ethical standards ang ginawa ng enforcer.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na zero tolerance sila sa anumang uri ng korapsyon, lalo na sa mga frontliner na direktang nakikipag-ugnayan sa publiko.
“Hindi tayo gagalangin kung hindi tayo aayos,” mariing paalala ni Mayor Nieto.
