Pinarangalan ng Catholic Mass Media Awards (CMMA) ang yumaong beteranong mamamahayag at publisher na si Juan “Johnny” P. Dayang sa pamamagitan ng 2024 CMMA Serviam Award, isang prestihiyosong pagkilalang ibinibigay sa mga personalidad na namuhay sa diwa ng Kristiyanong paglilingkod, integridad, at komunikasyong inspirasyon ng pananampalataya.
Si Dayang, na nasawi noong Abril 29, 2025, ay nag-iwan ng malawak na pamana bilang CMMA Board Secretary, dating pangulo ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI), Manila Overseas Press Club, at founding president ng Federation of Provincial Press Clubs of the Philippines. Nagsilbi rin siyang UNESCO commissioner, Red Cross governor, at dating alkalde ng Kalibo.
Mahalaga ang papel ni Dayang sa pagbuo ng CMMA, kabilang ang pagpakilala ni Cardinal Jaime L. Sin kay Ambassador Antonio Cabangon Chua, na naglatag ng pundasyon ng parangal na hanggang ngayon ay kinikilala sa industriya ng media.
Ayon kay Juan E. Dayang Jr., senior diplomat sa Philippine Embassy sa Ankara, Turkiye:
“Ito ang pangarap ng aming ama—na manatiling buhay at masigla ang CMMA. Ipinagmamalaki naming tatanggapin ng aking mga kapatid ang karangalang ito bilang pagkilala sa isang buhay na naglingkod sa marami.”
Kinatig din ng mga lokal at pandaigdigang organisasyon ang panawagan para sa hustisya nang si Dayang ay brutal na paslangin sa kanyang tahanan sa Kalibo, Aklan.
Sa isang pahayag, sinabi ni UNESCO Director-General Audrey Azoulay:
“I condemn the killing of Juan Dayang and call for a transparent and thorough investigation… Impunity must not be tolerated as it emboldens those who seek to silence journalists.”
Ginanap ang parangal sa 47th Catholic Mass Media Awards sa Citystate Tower Hotel, Ermita, Manila nitong Nobyembre 19, 2025, 5:00 PM.
Tumanggap ng Serviam Award sina Bernadette Dayang at Geraldine E. Dayang-Fernando, mga anak ng yumaong mamamahayag. Si Juan E. Dayang Jr. ay hindi makadadalo dahil sa opisyal na tungkulin sa Turkiye.
“Ang parangal na ito ay pagpupugay sa buhay at prinsipyo ng aming ama—paglilingkod, pananampalataya, at paghahanap ng katotohanan. Ipagpapatuloy namin ang kanyang iniwang pamana,” ayon sa magkapatid. (Mina Paderna)
