
MANILA, Philippines — Patuloy na lumalalim ang imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) matapos magsumite ng lima nitong interim reports mula nang malikha ito noong Setyembre 11 ngayong taon.
Ngunit kasabay ng pag-usad ng mga kaso laban sa ilang opisyal, lumalakas din ang tanong kung bakit tila may mga “untouchables” na hindi pa rin nasasangkot sa pormal na reklamo.
Noong Setyembre 29, inihain ng ICI ang kanilang unang interim report sa Office of the Ombudsman. Sa 32-pahinang dokumento, ibinunyag ng tatlong miyembrong komisyon na pinamumunuan ni retired Supreme Court associate justice Andres Reyes Jr. ang umano’y iregularidad sa P289.5-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Kasunod nito, hiniling ng ICI sa Ombudsman na tukuyin ang kaukulang kaso laban sa 18 opisyal ng gobyerno, kabilang sina Ako Bicol Rep. Elizaldy Co at ilang district engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dahil sa umano’y “ghost” flood control projects.
Ombudsman nagpasampa ng kaso
Agad kumilos ang Ombudsman, at nitong Martes ay pormal nang sinampahan ng isang bilang ng malversation at dalawang bilang ng graft si Co at ilang opisyal ng DPWH-Region 4, pati na ang mga opisyal ng Sunwest Inc., kumpanyang pag-aari ng pamilya Co.
Sa ikalawang report, inirekomenda ng ICI ang pagsasampa rin ng kaso kina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, gayundin kay Co at DPWH Bulacan engineers Henry Alcantara at Brice Hernandes dahil sa umano’y kickback scheme sa flood control projects sa Bulacan.
Sunod-sunod na rekomendasyon laban sa DPWH execs
Sa ikatlo, ikaapat at ikalimang ulat naman, pinayuhan ng ICI ang pagsasampa ng administrative charges laban kay nagbitiw na DPWH Secretary Manuel Bonoan, dating undersecretaries Roberto Bernardo at Ma. Catalina Cabral, at walong iba pang opisyal. Ang kanilang kaso: grave misconduct, gross dishonesty, conduct prejudicial to the best interest of the service, at posibleng paglabag sa RA 6713.
Pero bakit may mga hindi pa rin nasasampahan?
Sa kabila ng limang sunod-sunod na referral, kapansin-pansing walang pormal pang kasong inihain laban sa ilang matataas na pinuno ng Kongreso na ilang ulit nang nadadawit sa mga alegasyon. Kabilang dito sina dating Speaker Martin Romualdez, dating Senate President Francis Escudero, at sina Senators Grace Poe at Nancy Binay.
Hindi rin umano nire-rekomenda ng ICI ang anumang kaso laban sa mag-asawang Curlee at Sara Discaya, na sinasabing nakakuha ng milyon-milyong halaga ng flood control projects sa pamamagitan ng kanilang mga kumpanya.
Tatlong petisyon laban sa ICI, nakaumang sa Korte Suprema
Hindi na nakapagtataka, ayon sa mga kritiko, na umabot na sa tatlong petisyon sa Korte Suprema ang pagkuwestiyon sa bisa ng Executive Order 94—ang kautusang lumikha sa ICI.
Ang pinakabagong petisyon ay inihain noong nakaraang linggo nina dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras at Atty. Manuelito Luna, kapwa nagsilbi noong administrasyong Duterte. Giit nila, nilalabag ng EO 94 ang Konstitusyon at umaagaw diumano sa kapangyarihan ng Kongreso.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum ngayong araw, sinabi nina Paras at Luna na umaasa silang tutugunan na ng SC ang kanilang petisyon, kabilang ang kahilingan para sa temporary restraining order (TRO) laban sa ICI habang dinidinig ang kaso.
Ayon kay Paras, na nagsilbi ng tatlong termino sa Kamara, malinaw na pag-usurp sa legislative powers ang paglikha ng ICI sa pamamagitan lamang ng EO. Dapat aniya hintayin ng administrasyon ang pag-apruba sa panukalang lumikha ng Independent People’s Commission (IPC), na inendorso na sa Senado at hinihintay na lamang ang counterpart measure sa Kamara.
Habang tumitindi ang isyu, tumitindi rin ang tanong:
Hanggang saan nga ba hahantong ang mga ulat ng ICI—at sino-sino ang talagang haharap sa pananagutan?
