Sinabi ni Comelec Chair George Garcia na maglalabas ng SCO laban kay Senator Dante Marcoleta. (Arsenio Tan)
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na magpapadala ito ng show cause order (SCO) kay Senator Rodante Marcoleta upang pagpaliwanagin sa umano’y malaking diperensya sa pagitan ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa May 12, 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang SCO ay ipapadala sa mga susunod na araw upang bigyan ng pagkakataon ang senador na ihayag ang kanyang panig.
“Sa social media, pati Comelec nadadamay — baka akala hindi kami kumikilos. Kaya titingnan namin nang mabuti ang mga dokumento. Para sa katiwasayan, transparency at accountability, ilalabas namin ang SCO,” pahayag ni Garcia sa isang panayam.
Binigyang-diin ng Comelec chief na walang sinuman ang exempted sa tamang deklarasyon ng campaign contributions.
“Dapat lahat — lalo na ang mga donation during campaign period — idinedeklara at inilalatag. Ano pa ang silbi ng publication, ng pagsusumite, ng panunumpa kung may hindi naman ilalagay?” aniya.
Dagdag ni Garcia, hindi agad sila maghahanap ng pananagutan, kundi uunahin munang alamin ang paliwanag ng kandidato sa mga hindi nadeklarang kontribusyon.
Tiniyak niyang susuriin ng Comelec ang lahat ng ebidensiya at dokumento bago magpasya kung may dapat isampang kaso o kung dapat nang isantabi ang usapin.
Sa SOCE ni Marcoleta, idineklara niyang wala siyang natanggap na cash o in-kind contributions, ngunit nagtala siya ng P112.8 milyon na gastos sa kampanya.
Samantala, sa kanyang SALN naman, iniulat ng senador na mayroon lamang siyang P51.9 milyon na net worth.
Paliwanag ni Marcoleta, nag-donate umano ang kanyang mga kaibigan para sa kampanya ngunit hindi niya sila idineklara dahil nais daw ng mga ito na manatiling anonymous.
Nagbabala rin si Garcia na ang sinumang kandidatong mapatunayang nagbigay ng maling impormasyon sa kanilang SOCE ay maaaring makulong nang 1 hanggang 6 na taon, at makasuhan ng perjury o falsification of public documents.
Patuloy na hinihintay ang sagot ni Marcoleta sa ipapadalang show cause order ng Comelec. (Arsenio Tan)
