TINATANONG ni Navotas City Congressman Toby Tiangco ang House Committee on Appropriations kung bakit hindi pa nito nai-post sa opisyal website ng House ang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kada distrito ng kongreso at mga proyektong ineendorso ng mga kinatawan ng party-list.
“No’ng October 13, sabi ko nga, I requested na i-publish sa website ng House of Representatives ‘yong budget per congressional district at budget per party-list, at kung saan ito napunta,” ani Tiangco.
“Pero hanggang ngayon, wala pa ring nakapost. Bakit ba ayaw i-post ito? Ano ba ‘yong tinatago? Kung hindi nila pinost ‘to, hindi totoo ‘yong sinasabing transparency,” dagdag niya.
Sinabi ni Tiangco na noong October 20, sumulat siya kay House Appropriations Chair Rep. Mika Suansing upang humingi ng mga update ngunit hindi pa siya nakatanggap ng tugon.
Binanggitn din niya ang “Section 5(a) of R.A 6713, or the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, states that all public officials shall ‘act promptly on letters and requests.’ It further provides that ‘all public officials and employees shall, within fifteen (15) working days from receipt thereof, respond to letters, telegrams, or other means of communication sent by the public. The reply must contain the action taken on the request,”.
“Lampas na yung 15 days at dapat may sagot na siya sa akin. But as of now, wala pa ring sagot at wala pa ring publication sa website ng Congress kung ano ‘yong budget per district at party-list,” giit niya.
Aniya, mahalaga ang paglalathala ng listahan upang makita ng publiko kung sinong kinatawan ang nagsulong para sa isang partikular na proyekto.
Nabanggit din niya “May dalawang projects sa Navotas na tig-₱3 million na hindi naman ni-request ng LGU, barangay, city health, o DPWH district engineer,”.
“Naging transparent daw sa proseso ng budget, pero sa end result, ayaw i-publish sa website. Ang tanong, ano bang tinatago dito at ayaw ipakita ‘yon?” dagdag niya. (JUVY LUCERO)
