Bumagal nang husto ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa ikatlong kwarter, naitala ang pinakamababang 4% sa loob ng 14 na taon, ayon sa think tank na IBON Foundation.
Ayon sa grupo, pangunahing sanhi ng paghina ang matinding pagbagsak ng public construction dahil sa korapsyon at ang hindi pagsasama ng mahihirap at middle class sa mga programa ng gobyerno, na nagdulot ng mababang konsumo.
Sinabi ng IBON na bumagsak ng 26.2% ang public construction ngayong taon, dulot ng mas mahigpit na validation ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa civil works at bagong requirements na nagpabagal sa pagbabayad at disbursement ng mga proyekto.
Tinukoy ng grupo na ito ay patunay ng nakaraang irregular na paggasta, kabilang ang ghost projects, overpriced projects, at substandard implementation para sa kickbacks sa ilang opisyal.
“Ang 26.2% na pagbagsak ay napakalaki at malinaw na indikasyon kung paano pinalaki ang gobyernong paggasta para sa iilang tao, imbes na tunay na pag-unlad at kapakinabangan ng mga Pilipino,” ayon sa IBON.
Sa unang taon ng administrasyong Marcos, lumago ng 27% ang public construction sa ikatlong kwarter ng 2023, mas mataas kumpara sa 14.8% ng Duterte at -28.6% ng administrasyong Aquino.
Samantala, lumago lamang ng 4.1% ang household final consumption expenditure, ang pinakamabagal simula 2010. Ipinapakita nito ang hirap ng mga Pilipino sa kakulangan sa trabaho, mababang kita, at mataas na presyo dulot ng maling polisiya ng gobyerno. Dagdag pa rito, pinalalala ng korapsyon ang sitwasyon sa pamamagitan ng pag-agaw sa pondo na dapat sana ay nakalaan sa mahihirap.
Bumaba ng 327,000 ang empleyo sa Q3 2025, mula 48.9 milyon noong 2024, na nagtala sa 48.6 milyon. Ayon sa IBON, ang pambansang average minimum wage na P487 ay hindi sapat para sa P1,225 na kinakailangang pang-araw-araw ng isang pamilya ng lima.
Dahil sa mabagal na paglago, malabong maabot ang target na 5.5%-6.5% para sa 2025. Mula sa 7.7% noong 2022, bumaba na ito sa 6% (2023), 5.2% (2024), at 4% ngayong 2025, at posibleng magpatuloy sa 2026.
Binatikos ng IBON ang labis na pagsunod ng gobyerno sa market-driven policies para sa foreign investments sa halip na unahin ang interes ng mamamayang Pilipino at pambansang ekonomiya.
Pinayuhan ang agarang aksyon laban sa sistemikong korapsyon at mas malawakang paglaon sa agriculture at lokal na industriya upang makalikha ng disenteng kabuhayan.
Ipinunto rin ng think tank na dapat itaas ang sahod, magbigay ng subsidies, at suportahan ang maliliit na negosyo at lokal na prodyuser upang mapabuti ang kalagayan ng ordinaryong Pilipino.
