NANINIWALA si Navotas City Congressman Toby Tiangco na magpapasa ang House of Representatives ng batas na magbibigay ng mas maraming kapangyarihan sa Independent Commission for Infrastructure bago ang Christmas break.
“Hopefully, before we go on Christmas break, maipasa natin ito sa House of Representatives,” sabi niya.
Inihain ni Tiangco ang House Bill No. 5699, na naglalayong lumikha ng isang Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAC) at bigyan ito ng awtoridad na mag-isyu ng hold departure orders, bawiin at i-sequester ang mga ari-arian, at, nang may pagsang-ayon ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, direktang magsampa ng mga kasong administratibo, kriminal, o sibil laban sa mga indibidwal na pinaghihinalaang sangkot sa flood control at iba pang anomalya sa imprastraktura.
“Kaya medyo natagalan dahil inobserbahan ko muna ‘yong ICI proceedings, at ‘yong bill na na-file natin ay base sa ating obserbasyon at personal experience kung ano ‘yong mga bagay na kailangan nila para mas magkaroon sila ng ngipin,” pahayag niya.
“Number one, dapat magkaroon sila ng power of contempt. Number two, dapat mabigyan sila ng power to issue hold departure orders. Number three, dapat magkaroon sila ng authority to sequester and hold real and personal properties,” dagdag niya.
Muling sinabi ni Tiangco na ang panukalang batas ay naglalayong palakasin ang mga ahensya tulad ng Department of Justice (DOJ) at ang Office of the Ombudsman sa pagbuo ng matibay na kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian na may kaugnayan sa imprastraktura.
“Yan ‘yong mga binigay nating dagdag kapangyarihan para makapag-imbestiga sila. And of course, once they find evidence, in coordination with government agencies like the DOJ and Ombudsman, makakapag-file sila ng kaso,” aniya.
“Ito’y tutulong lamang sa Ombudsman at sa DOJ para mapabilis ang proseso. Mayroon tayong responsibilidad sa mamamayang Pilipino na ipakita agad na seryoso tayo sa imbestigasyong ito dahil ito ang pinakamalaking corruption scandal sa kasaysayan ng ating bansa,” dagdag ng mambabatas.
Pinasalamatan din ni Tiangco si House Speaker Bojie Dy at ang chairperson ng House Committee on Government Reorganization at Bulacan 6th District Representative Salvador Pleyto sa pagbibigay-priyoridad sa hakbang.
“Maraming salamat, Speaker Dy at Cong. Pleyto, dahil ginawa ninyong priority measure ang pagpapalakas sa ICI,” pahayag niya. (JUVY LUCERO)
