Matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan, tumindi ang pagsisikap ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na agad maibalik ang nasirang linya ng kuryente sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa isang press conference na ginanap sa San Juan City, inihayag ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza na umabot sa 16 na transmission structures ang bumagsak, 12 ang nakatagilid, at 26 pang pasilidad ang may naputol na mga kable at conductor.
“As of 9 a.m., there are 16 toppled structures… Mountain Province still doesn’t have transmission services,” sabi ni Alabanza.
Ayon sa NGCP, may mga lugar pa ring walang transmisyon dahil hindi pa naaabot ng mga electric cooperative ang mga nasirang bahagi.
“When we say that it’s partial, it doesn’t mean that there’s electricity in other areas,” dagdag niya.
Sa Luzon, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, at Quezon pa lamang ang may partial transmission services, habang sa Visayas, Northern Samar lang ang apektado.
“The rest of the country has normal transmission services. But it doesn’t mean that electricity service is complete,” paliwanag ni Alabanza.
Hindi pa rin masabi ng NGCP kung magkano ang kabuuang halaga ng pinsala, dahil restoration muna ang prioridad.
“It will take a few more months before we can estimate the cost,” aniya.
Binigyan naman ng Department of Energy (DOE) ng 10 araw ang NGCP para tapusin ang pagkukumpuni, at tiniyak ng kompanya na kaya nilang abutin ang deadline.
Singil sa kuryente ngayong Nobyembre, tataas
Habang abala sa pagsasaayos, inanunsyo rin ng NGCP na may bahagyang pagtaas sa transmission rates ngayong Nobyembre dahil sa mas mataas na Ancillary Services (AS) charges.
Tumaas ng P0.0997/kWh ang AS rates, mula P0.6546/kWh noong Setyembre tungong P0.7542/kWh nitong Oktubre, o 15.23% na pagtaas.
Nilinaw ng NGCP na wala silang kinikita sa dagdag-singil, dahil diretso itong napupunta sa mga generation companies at sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP).
Bukod dito, bahagyang tumaas din ang transmission wheeling rate ng P0.0034/kWh, mula P0.5920 tungong P0.5953/kWh, katumbas ng 0.57% na pagtaas.
Sa kabuuan, tumaas ng 7.91% ang average transmission rate para sa Oktubre 2025 billing period, mula P1.3998/kWh patungong P1.5105/kWh. (Arnold Pajaron Jr)
