Ipinabatid ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itinakda ngayong Nobyembre 12, 2025, ganap na 9:00 a.m. sa VCP Building, Kalayaan Avenue, Quezon City, ang public consultation hinggil sa panukalang dagdag-pasahe para sa public utility jeepneys (PUJ), public utility buses (PUB), taxis, at transport network vehicle services (TNVS).
Ang nasabing konsultasyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr., sa paggabay ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Atty. Giovanni Z. Lopez, at sa pamumuno ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II.
Layunin ng pagtitipon na ipaliwanag ang batayan ng proposed fare adjustment, mangalap ng opinyon at suhestiyon mula sa publiko, at matiyak ang transparency at pagiging inclusive ng proseso bago maglabas ng pinal na desisyon.
Dahil sa Memorandum Circular No. 106 na inilabas ng Office of the President na nagdeklara ng work suspension sa NCR noong Nobyembre 9, 2025, inilipat ng LTFRB ang orihinal na schedule ng konsultasyon mula Nobyembre 10 patungong Nobyembre 12, 2025.
Inaanyayahan ng LTFRB ang mga commuter, operator, driver, at iba pang sektor ng transportasyon na dumalo sa konsultasyon upang ipahayag ang kanilang saloobin tungkol sa panukalang dagdag-pasahe.
Para sa mga katanungan o reklamo kaugnay ng naturang public consultation, maaaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod na channel ng LTFRB: Facebook: fb.com/ltfrb.central.office, X (Twitter) / TikTok: @ltfrbofficial, Viber: 0956-761-0739, Email: pacd@ltfrb.gov.ph at complaints@ltfrb.gov.ph
