PARAÑAQUE CITY — Umarangkada ang selebrasyon ng National Inventors Week (NIW) 2025 sa Ayala Malls Manila Bay nitong Nobyembre 11, 2025, tampok ang mga makabagong imbensyon at ideyang Pinoy na handang makipagsabayan sa mundo.
Sa temang “Adoption to the New Normal: Inventions and Innovation for Resilience and Sustainability,” pinangunahan ng Filipino Inventors Society (FIS) ang engrandeng okasyon na dinaluhan ng mga imbentor, negosyante, at estudyante mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Mistulang tech festival ang eksena sa mall na puno ng booths, exhibit, at demo ng mga kakaibang produkto at teknolohiyang sariling atin.
Mula sa mga bagong gadget hanggang sa mga makabagong solusyon sa kalusugan, agrikultura, at enerhiya, ipinakita ng mga kalahok ang tunay na galing ng utak-Pinoy.
Kabilang sa mga nagpakitang-gilas ang BauerTek Farmaceutical Technologies Corp., GlobaLeader, Kaibigan sa Kalusugan, Suki Trading Corporation, at marami pang iba. Dinagsa ng bisita ang event na agad nahumaling sa patented inventions ng mga lokal na imbentor.
Ibinida rin sa pagtitipon ang tagumpay ni FIS President Ronald Pagsanghan, na ilang beses nang ginawaran ng parangal sa loob at labas ng bansa dahil sa kanyang mga natatanging imbensyon.
Patunay na hindi lang galing sa talento, kundi sa puso ang talinong Pilipino.
Mula pa noong 1943, walang humpay ang FIS sa pagsusulong ng inobasyon at teknolohiya ng mga Pinoy.
Ayon sa grupo, layunin ng NIW na pagdugtungin ang imbentor at mamumuhunan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga ideya na maging matagumpay na negosyo.
Sa ika-82 taon ng National Inventors Week, muling pinatunayan ng ating mga kababayan na “Walang imposible sa Pilipinong malikhain!” (Arnold Pajaron Jr)
