Umigting ang pasasalamat ng mga Pilipino sa mga Sierra Madre at Cordillera Mountain Ranges matapos umani ng papuri sa social media dahil sa papel ng mga ito bilang natural na panangga laban sa hagupit ng Super Typhoon Uwan (Fung-Wong) na nanalasa sa Luzon.
Sa mga post sa Meta (Facebook) at X (dating Twitter), ipinahayag ng netizens ang kanilang pagpapahalaga sa mga kabundukang nagsilbing “unang linya ng depensa” ng bansa laban sa malalakas na hangin at ulang dala ni Uwan.
Ayon sa mga obserbasyon, unang pinahina ng Cordillera Mountain Range ang lakas ng bagyo matapos itong tumama sa Isabela at hilagang Luzon, bago ito tumawid patungong Bicol at CALABARZON. Nang umabot si Uwan sa Sierra Madre, lalo pa itong nanghina, dahilan upang maiwasan ng Metro Manila at karatig-lalawigan ang matinding pinsala.
Subalit habang naglalakbay patungong Bicol Region, muling lumakas ang bagyo at nagdulot ng malawakang pagbaha at pinsala sa mga kabahayan.
Bunsod ng karanasang ito, muling naungkat sa publiko ang usapin ng pangangalaga sa kalikasan, lalo na sa gitna ng mga proyekto ng mining, quarrying, at malalaking konstruksyon na sumisira sa mga kabundukan.
Sa Cebu, muling binatikos ang Monterrazas de Cebu project ng 8990 Holdings Inc. at ni Slater Young, dating Pinoy Big Brother housemate na ngayo’y Chief Strategy Officer ng Mont Property Group.
Ang proyekto na itinayo sa mga bulubundukin ng Barangays Guadalupe, Sapangdaku, Buhisan, at Tisa ay sinisisi sa paglala ng pagbaha sa Cebu tuwing may malakas na ulan o bagyo.
Bagama’t iginiit ni Young na “environmentally compliant” at may flood control system ang proyekto, nanatiling kritikal ang mga residente at environmental groups dahil umano sa paglabag nito sa orihinal na Environmental Compliance Certificate (ECC) at sa pagkawala ng mga puno sa bundok.
Maging ang quarrying at dolomite mining sa Cebu na ginamit para sa Manila Bay white sand project sa ilalim ng administrasyong Duterte ay tinukoy din bilang sanhi ng pagkasira ng kabundukan, kung saan ngayon ay iniimbestigahan si dating DENR Secretary Roy Cimatu sa Mababang Kapulungan.
Sa Luzon naman, binabalaan ng mga environmental advocates ang pagpaplano ng wind farm project sa Sierra Madre, kung saan may 29 windmills umanong itatayo sa tuktok ng bundok.
Ayon sa mga tagapagtanggol ng kalikasan, bagaman renewable energy ang layunin, mawawasak naman ang kagubatan, wildlife, at kabuhayan ng mga katutubo sa lugar.
“Ang Sierra Madre ang ating sandigan tuwing may bagyo, pero unti-unti itong winawasak sa ngalan ng negosyo,” giit ng isang netizen.
Mariin ding binatikos ng publiko ang kawalang-aksiyon ng mga ahensya ng gobyerno gaya ng DENR at DPWH, na umano’y pinapalusot ang mga proyekto kahit kulang sa permit o ECC.
Pinuna rin ang katiwalian at kapabayaan ng ilang opisyal na mas inuuna ang pansariling interes kaysa kaligtasan ng mamamayan.
“Ang mga bundok na nagbibigay proteksyon sa atin ay patuloy na ginagahasa sa ngalan ng pera. Hangga’t may mga opisyal na nakikinabang, mananatili tayong bulnerable sa sakuna,” ayon sa isang environmental advocate.
Higit sa lahat, nanawagan ang mga netizens ng kolektibong pagkilos at disiplina sa pangangalaga ng kalikasan — mula sa tamang pagtatapon ng basura hanggang sa pagtutol sa mga mapanirang proyekto.
“Hindi lang mga opisyal ang dapat sisihin. Tayong lahat ay may pananagutan sa pagkawala ng ating mga bundok at kalikasan,” ayon sa isang komento sa Facebook.
Habang muling nagpapasalamat ang bansa sa Sierra Madre at Cordillera sa pagsalo ng hagupit ng kalikasan, muling sumiklab ang panawagan:
“Pangalagaan natin ang mga bundok—dahil kapag nawala sila, wala na ring tutulong sa atin.”
