APAT na dayuhan na may kasong seksuwal laban sa mga menor de edad sa kani-kanilang bansa ang hinarang ng Bureau of Immigration (BI) sa mga paliparan ng bansa bilang bahagi ng #ShieldKids campaign ng ahensya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang proteksyon ng mga batang Pilipino laban sa pang-aabuso at exploitation.
Ayon sa BI, mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 4, 2025, apat na rehistradong sex offenders ang pinagbawalang makapasok sa Pilipinas sa mga paliparang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Clark International Airport (CIA), at Mactan-Cebu International Airport (MCIA).
Kabilang sa mga hinarang ay si Julian Johnson, 56, isang Amerikano, na dumating sa Clark mula Taipei City sakay ng Starlux Airlines noong Oktubre 26. Batay sa rekord, si Johnson ay nahatulan sa U.S. noong 1996 dahil sa lewd acts laban sa batang wala pang 14 taong gulang, at sinentensyahan ng isang taong pagkakakulong at limang taong probation.
Sa parehong araw, hinarang din sa NAIA Terminal 3 si Stefan Andrew Alletson, 34, isang New Zealander na dumating mula Hong Kong sakay ng Cathay Pacific. Ayon sa Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), si Alletson ay dating football coach na nahatulan sa New Zealand sa kasong pagpapadala ng malaswang larawan sa mga 14-anyos na batang lalaki at pagmamay-ari ng mga malaswang materyales.
Noong Oktubre 30, pinigilan din sa Mactan-Cebu International Airport si Leo Paul Houle, 77, isang Canadian, matapos matukoy na nahatulan noong 2018 dahil sa child pornography at sexual conspiracy laban sa menor de edad.
Ang pinakahuling insidente ay naitala noong Nobyembre 4 sa NAIA Terminal 1, kung saan pinigilan ang American national na si Charles White, 69, na nahatulan noong 2007 sa kasong criminal sexual act laban sa isang 15-anyos.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga insidente ay patunay na hindi magpapasok ang Pilipinas ng mga dayuhang may kasaysayan ng pang-aabuso sa bata.
“Hindi magiging ligtas na kanlungan ang Pilipinas para sa mga convicted predators,” giit ni Viado. “Ang ating mga paliparan ang unang linya ng depensa sa pagprotekta sa mga bata, at patuloy nating palalakasin ito sa ilalim ng #ShieldKids campaign.”
Dagdag pa ni Viado, mahigpit ang koordinasyon ng BI sa mga international law enforcement agencies at sa PCTC para matiyak na hindi makapasok sa bansa ang mga may kasong sekswal laban sa menor de edad.
Lahat ng apat na banyaga ay agad na isinama sa blacklist ng BI, na habambuhay nang ipinagbabawal ang pagpasok sa Pilipinas. (Mina Paderna)
