Ang Chinese national na nasakote dahil sa online scam activities. (Arsenio Tan)
Arestado ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Immigration (BI), National Bureau of Investigation (NBI), at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang isang Chinese national na sangkot umano sa malakihang online scam operations sa bansa.
Kinilala ni BI-Fugitive Search Unit (FSU) Chief Rendel Ryan Sy ang suspek na si Xiang Longyiyu, alyas Sam Lee, 33 taong gulang, Chinese national. Naaresto ito sa isang operasyon nitong gabi ng Nobyembre 4 sa Central Park Condominium, D. Jorge Street, Pasay City, sa bisa ng mission order laban sa kanya.
Ayon sa ulat, si Xiang ay pinaghihinalaang kasangkot sa mga online fraud at phishing activities na nambibiktima ng mga Pilipino at banyagang netizen. Ang operasyon ay isinagawa matapos ang pormal na kahilingan ng CICC na matunton ang kinaroroonan ng suspek kasunod ng mga intelligence report na nag-uugnay sa kanya sa online financial scams.
Lumabas din sa imbestigasyon na ang dayuhan ay gumagamit ng “work-from-home” setup para ipagpatuloy ang panloloko, at dati umanong konektado sa isang scam hub sa Makati City na nadismantle ng mga awtoridad ngayong taon.
Batay sa rekord ng BI, dumating si Xiang sa bansa noong 2019 bilang temporary visitor, ngunit hindi na ito nakapag-renew ng visa mula pa noong 2022, dahilan para ituring siyang overstaying alien. Dagdag pa rito, nasa ilalim na siya ng Blacklist Order ng BI simula 2023.
Si Xiang ay kasalukuyang nakapiit sa BI Warden Facility habang hinihintay ang deportation proceedings laban sa kanya. (Arsenio Tan)
