Nagpatupad ang Government Service Insurance System (GSIS) ng tatlong-buwang grace period o moratorium sa pagbabayad ng emergency loans ng mga miyembro at pensioner na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo, kabilang na ang Super Typhoon Uwan (international name: Fung-Wong).
Ayon sa pahayag ng GSIS nitong Linggo, layunin ng hakbang na mapagaan ang pasaning pinansyal ng mga kawani ng gobyerno at pensioner habang sila ay bumabangon mula sa pinsalang dulot ng kalamidad.
“Hindi na muna obligadong magbayad ang mga borrower sa loob ng tatlong buwan. Bibigyan natin sila ng sapat na panahon para makabawi, makapagsimula muli, at makabangon nang hindi agad iniisip ang bayarin,” ayon sa GSIS.
Kasabay nito, inilabas ng GSIS ang iskedyul ng unang bayad para sa mga loan na ipinalabas sa pagitan ng Nobyembre 2025 hanggang Pebrero 2026:
- Mga loan na ipinalabas ng Nobyembre 2025 → unang bayad sa Abril 10, 2026
- Disyembre 2025 → unang bayad sa Mayo 10, 2026
- Enero 2026 → unang bayad sa Hulyo 10, 2026
- Pebrero 2026 → unang bayad sa Agosto 10, 2026
Bukas naman ang Emergency Loan Program ng GSIS mula Nobyembre 7, 2025 hanggang Pebrero 7, 2026. Maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong miyembro at pensioner sa pamamagitan ng GSIS website, GSIS Touch mobile app, o sa pinakamalapit na tanggapan ng GSIS.
Sa kasalukuyan, patuloy na binabayo ng Super Typhoon Uwan ang malaking bahagi ng Luzon. Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 110 kilometro hilaga ng Daet, Camarines Norte, habang Signal No. 5 ang nakataas sa anim na lugar at Signal No. 4 naman sa 20 pang lalawigan. (Mina Paderna)
