Nakakagalit.
Iyan ang saloobin ni Cainta Mayor Kit Nieto sa kanyang Facebook post matapos pasukin ng magnanakaw ang pump station sa Park Place sa Barangay San Isidro, Cainta, Rizal.
Ayon sa Facebook post ng alkalde, pinutol ng salarin ang steel matting at mga kawad at tinanggal ang tanso na nagdulot ng malaking pinsala sa pump station.
Nangyari ang panloloob sa pump station, na mahalagang pasilidad na magliligtas sa mga residente laban sa baha, bago ang pananalasa ng bagyong Uwan.
Nagpapunta na rin ng installer si Mayor Nieto na umaasang magagawan ng paraan.
Nag-alok din si Mayor Nieto ng P300,000 reward sa sinumang makapagtuturo sa suspek.
“Personal kong pera ito, di ko ito palalagpasin,” sabi niya.
Bilang agarang tugon, iniutos na rin ng punong-bayan ang paglalagay ng 24-oras na security sa lahat ng iba pang pump stations sa bayan upang maiwasan ang katulad na insidente.
Samantala, nag-anunsiyo din ang alkalde ng maagang preemptive evacuation sa ilang barangay ng bayan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente dulot ng pananalasa ng bagyong Uwan.
Narito ang kasalukuyang bilang ng mga evacuees sa mga itinakdang evacuation centers:
- Kabisig Auditorium – 7 pamilya, 30 indibidwal
- Lakas Bisig School – 45 pamilya, 173 indibidwal
- Exodus Covered Court – 11 pamilya, 49 indibidwal
- One Cainta Shelter – 45 pamilya, 173 indibidwal
- Felix Unit 1, West Bank – 16 pamilya, 63 indibidwal
- Planters Area – 102 pamilya, 446 indibidwal
Dagdag pa rito, sinabi ni Mayor Nieto na kasalukuyang isinasagawa rin ang preemptive evacuation sa Balai Community, sa pangunguna ng mga opisyal ng Barangay Sto. Niño, dahil malapit ito sa malaking ilog sa Barangay San Isidro. Ang mga residente rito ay pansamantalang mananatili sa Teachers Village Evacuation Center.
Ipinag-utos din ng alkalde kay Ella Tuberlleha Manabat na tiyaking hindi magugutom ang mga evacuees at mabigyan agad ng basic needs habang nasa pangangalaga ng lokal na pamahalaan. (Arnold Pajaron Jr)
