Naglabas ng mga kagyat na direktiba si Governor Daniel R. Fernando sa lahat ng tanggapan ng pamahalaang panlalawigan at mga residente ng Bulacan upang palakasin ang paghahanda sa posibleng pananalasa ng Super Typhoon Uwan (international name: Fung-Wong).
Sa pinakahuling ulat ng PAGASA ngayong 2:00 ng hapon, Nobyembre 9, 2025, ang mga bayan ng Doña Remedios Trinidad, San Miguel, at Norzagaray ay nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 4, habang ang natitirang bahagi ng lalawigan ay nasa Signal No. 3. Pinayuhan ni Fernando ang lahat ng Bulakenyo na manatiling mapagmatyag at handa sa agarang paglikas, lalo na ang mga nakatira sa mababang lugar at landslide-prone areas.
Kasunod ng rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), ipinalabas ng gobernador ang Memorandum DRF-11092025-808, na nagpapasuspinde ng klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, pati na rin ang trabaho sa lahat ng tanggapan ng gobyerno at pribadong kumpanya sa Nobyembre 10–11, 2025.
Tanging ang mga ahensiyang nagbibigay ng emergency, kalusugan, at mahahalagang serbisyo ang pinayagang magpatuloy sa operasyon. Pinayuhan din ang mga pribadong kumpanya na magpatupad ng work-from-home o alternative work arrangements para sa kaligtasan ng mga empleyado.
Inatasan din ng gobernador ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na i-activate ang lahat ng disaster response teams, maghanda ng mga rescue equipment, communication systems, at magpatupad ng pre-emptive evacuation kung kinakailangan.
Ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) naman ang nangunguna sa paghahanda ng mga evacuation center at pamamahagi ng relief goods, habang ang Provincial General Services Office (PGSO) at Provincial Engineer’s Office (PEO) ay nakahandang magbigay ng logistics at transport support.
Samantala, tiniyak ng Provincial Civil Security and Jail Management Office (PCSJMO) ang seguridad sa mga pasilidad at mahahalagang gusali ng pamahalaang panlalawigan.
Binigyang-diin ni Fernando na lahat ng tanggapan ay dapat magpanatili ng 24/7 monitoring at makipag-ugnayan sa PDRRMC Operations Center at mga city at municipal DRRMOs para sa mabilis at maayos na pagtugon sa anumang emergency.
“Sa ating mga kababayan, makinig po tayo sa mga opisyal na abiso ng pamahalaan. Iwasan ang mga mapanganib na lugar, at kung kinakailangan kayong lumikas, makipagtulungan po tayo sa mga awtoridad. Ang inyong pagsunod ay makapagliligtas ng buhay,” ani Fernando.
Batay sa pinakahuling tala ng PDRRMO nitong 12:00 ng tanghali, umabot na sa 629 pamilya o 2,393 indibidwal ang ligtas na nailikas at kasalukuyang nanunuluyan sa 32 evacuation centers sa buong lalawigan.
Para sa agarang tulong o ulat ng emergency, maaaring makipag-ugnayan ang mga Bulakenyo sa mga PDRRMO hotlines: 911, (044) 791-0566, Globe 0905-333-3319, at Sun 0942-367-1455. (Mina Paderna)
