Ipinahayag ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang kahalagahan ng pagbibigay ng anniversary bonus sa mga kwalipikadong opisyal at kawani ng ahensya, bilang tulong lalo na sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at pagbaha sa bansa.
Kasabay nito, kinansela ni Catapang ang nakatakdang social night ngayong Miyerkules at ang programang BuCor’s Got Talent sa Biyernes, na bahagi sana ng pagdiriwang ng ika-120 anibersaryo ng BuCor.
Ayon kay Catapang, ito ay bilang tugon sa panawagan ng Pangulo na iwasan ang magagarbong selebrasyon ngayong Pasko bilang pakikiisa sa libu-libong Pilipinong nasalanta ng sunud-sunod na kalamidad.
“Malaking tulong ito para sa mga kawani ng BuCor na naapektuhan ng bagyo at baha, at yung hindi naman naapektuhan ay may pagkakataon namang makatulong sa kapwa,” ani Catapang.
Sa halip na magdaos ng engrandeng kasiyahan, nakatuon ngayon ang BuCor sa community support activities tulad ng misa, mass offering, at pagtitipon ng mga donasyon (cash man o in-kind) na ipamamahagi sa mga kababayang nangangailangan.
Ayon kay BuCor Deputy Director General for Administration Al Perreras, inirekomenda niya ang pagbibigay ng anniversary bonus alinsunod sa Administrative Order No. 263 na nilagdaan noong 1996 ni dating Executive Secretary Ruben D. Torres.
Nakasaad dito na maaaring pagkalooban ng anniversary bonus ang mga empleyado ng national government agencies (NGAs), government-owned and controlled corporations (GOCCs), at government financial institutions (GFIs).
“In line with this significant occasion that honors not only the institution’s enduring service but also the unwavering dedication and camaraderie of its personnel, the Chief of the Finance Service respectfully requests the granting of an anniversary bonus not exceeding P3,000,” saad ni Perreras sa kanyang rekomendasyon.
Dagdag pa ni Perreras, karapat-dapat lamang na ipagdiwang ng BuCor ang kanilang anibersaryo sa paraang may malasakit at pakikiisa, alinsunod sa itinakdang mga patakaran ng pamahalaan.
Sa taong ito, ang BuCor ay nagdiriwang ng 120 taon ng serbisyo publiko, na patuloy na nagpapakita ng integridad at dedikasyon sa reporma sa mga piitan ng bansa. (Mina Paderna)
