Noong bata ako, hindi ko talaga maintindihan kung bakit gustong-gustong ng matatanda ang kape.
Para sa akin noon, mapait, mainit at walang lasa ng tsokolate, parang inumin para lang sa mga inaantok at pagod.
Pero habang tumatanda, unti-unti kong naiintidihan na hindi lang pala ito tungkol sa lasa, kundi sa pakiramdam na dala ng bawat lagok.
Ngayon, bawat tasa ng kape ay parang sandaling pahinga sa gitna ng magulong mundo. Habang umaalingasaw ang araw nito sa umaga, para bang sinasabi ng kape na “Kaya mo ‘to.”
May kakaibang ginhawa sa init nito, may kuwento sa bawat patak, kuwento ng pagpupuyat, pag-asa at pagbangon.
Nitong Nobyembre 7 ay nag-chat sa Viber si Ma’am Arlene Rivera para imibitahan kaming grupo ng PaMaMaRiSan-Rizal Press Corps sa pamumuno ng masipag naming Pangulo na si Neil Alcober ng Daily Tribune hinggil nga rito sa pagbubukas ng Marikina Coffee Festival 2025.
Hindi na tayo nagdalawang isip para i-cover ang nasabing event sa Freedom Park, siyempre para tikman na rin ang kape ng gawang Marikeño. Grabe, halos hindi mahulugan ng karayom ang lugar sa dami ng tao nagpunta sa nasabing event.
Pinangunahan nina Mayor Maan Teodoro at Cong. Marcy Teodoro kasama ang iba pang konsehal ang nasabing pagbubukas ng Marikina Coffee Festival 2025.
At sa pagkakataong ito, muling pinatunayan ng mag-asawang Teodoro na ang tunay na pag-unlad ay hindi lang nasusukat sa laki ng mga gusali o dami ng mga negosyo, kundi sa kakakayahan ng pamahalaang lokal na itaguyod ang sariling produkto at talento ng mga mamamayan.
Sa tatlong araw ng festival (Nov 7 hanggang 9), itinampok ang mga lokal na café, artisan brew at MSMEs – mga patunay ng sipag, diskarte at puso ng Marikeño.
Sa bawat tasa ng kape, may kuwento ng pangarap, tiyaga at muling pagbangon. Hindi lang ito patungkol sa pagtangkilik sa lokal, kundi sa pagbibigay-buhay sa mga negosyong bumubuo ng ugat ng ekonomiya ng lingsod.
Ang ganitong mga inisyatiba ay nagpapakita ng malinaw na direksyon ng liderato sa Marikina: ang pagpapatibay ng community-based economy na nakasentro sa tao.
Ang Marikina Coffee Festival ay higit pa sa isang kasiyahan – ito ay isang paalala na sa bawat tasa ng lokal na kape ay may halong pagmamalaki, pagkakaisa at pag-asa para sa isang matatag at makulay na Marikina.
Totoo nga, ang kape ay hindi lang iniinom – ito ay sinasariwa, parang alaala ng kabataan na unti-unting tumatapang sa paglipas ng panahon.
Tulad ng kape, natututo rin tayong tanggapin ang pait, dahil sa huli, doon natin mas lalong malasahan ang tamis ng buhay.
Salama’t po sa pakape, Ma’am Arlene. Cheers!
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr@gmail.com
