MANILA — Nilinaw ng Malacañang na hindi pa humihingi ng tulong pinansyal ang Pilipinas mula sa ibang bansa para sa mga biktima ng Bagyong Tino (international name: Kalmaegi) dahil sapat pa umano ang pondo ng pamahalaan upang tugunan ang pinsala.
Sa isang press briefing nitong Huwebes, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na may nakahanda nang quick response funds ang mga frontline agencies na maaaring dagdagan kung kakailanganin.
““Wala po na call for any foreign assistance dahil sa ngayon po ay mayroon pa po tayong pondo para sa ganitong mga klaseng sitwasyon po,” ani Castro.
“At may mga quick response funds po ang mga frontline agencies na mari-replenish po at kung ito po ay kukulangin lalong-lalo na po sa mga LGUs, makakaasa po sila na sila po ay bibigyan po ng tulong mula sa Office of the President, iyong tinatawag po nating local government support funds,” dagdag pa niya.
Base sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD), umakyat na sa 188 ang nasawi habang 135 pa ang nawawala matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bagama’t hindi pa humihingi ng pormal na tulong ang gobyerno, ilang bansa gaya ng Australia, Canada, at United States ang nagpahayag na handa silang tumulong sa mga operasyon ng rehabilitasyon.
Samantala, tiniyak ng Timor-Leste, bagong miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na magpapadala ng mahigit 100 engineer at bumbero upang tumulong sa clearing at recovery operations sa mga lugar na matinding napinsala.
“Pero sa ngayon po, hindi po tayo nananawagan para sa financial assistance or rather foreign assistance,” giit ni Castro.
Patuloy namang isinasagawa ng mga pambansa at lokal na awtoridad ang malawakang relief at rescue operations sa mga lalawigang sinalanta ng bagyo.
