MARIKINA CITY — Naghatid ng tulong pangkalusugan ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga persons deprived of liberty (PDLs), mga nakatatanda, at mga opisyal ng kulungan sa isinagawang Health Caravan sa BJMP Marikina City Jail Male Dormitory noong Oktubre 30, 2025.
Sa ilalim ng mga programang Oplan Kalusugan at Paalalang Pangkalusugan, umabot sa 175 katao ang nabigyan ng libreng konsultasyong medikal, gamot, at health lectures. Layunin ng aktibidad na mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga indibidwal na bihirang makapagpatingin sa doktor at mapalaganap ang kaalaman sa preventive health care sa loob ng pasilidad.
Ang naturang caravan ay naisakatuparan sa tulong ng SogoCares at mga Red Cross volunteers na sina Dr. Allan Tamayo, Dr. Reginald Lee, at student nurse Earl John Guanzon, na buong araw nagsagawa ng check-up, namahagi ng gamot, at nagturo ng mga paraan upang manatiling malusog kahit nasa loob ng kulungan.
“Health care should not stop at the walls of a facility. The PRC believes that everyone, no matter who or where they are, deserves access to medical care and compassion,” pahayag ni PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon.
Patuloy namang nakikipagtulungan ang Philippine Red Cross sa mga lokal na chapter, volunteers, at partners upang maabot ang mga nangangailangan at mapangalagaan ang kalusugan at dignidad ng bawat Pilipino.Para sa mga emergency, maaaring tumawag sa PRC hotline #143. (Arnold Pajaron Jr)
