Nilinaw ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon na ang isinasagawang imbestigasyon ng Kamara sa mga umano’y iregularidad sa flood control at infrastructure projects ay hindi isang political attack laban sa nakaraang administrasyon, kundi bahagi ng mas malawak na pagsisiyasat sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nagdaang dekada.
Ayon kay Ridon, na siya ring chairperson ng House Committee on Public Accounts, saklaw ng kanilang pagsisiyasat ang mga kuwestiyonableng proyekto sa nakalipas na sampung taon, kabilang na ang kontrobersyal na “dolomite beach” sa Manila Bay.
“Para malinaw, hindi ito isang anti-Duterte investigation. Bahagi ito ng mas malawak na pagbusisi sa mga proyektong ipinatupad ng DPWH,” giit ng kongresista.
Ipinaliwanag ni Ridon na bagama’t ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nagpanukala ng dolomite beach project, ang aktuwal na implementasyon ay ginawa ng DPWH, kaya’t sakop ito ng kasalukuyang imbestigasyon ng komite.
Dagdag pa ni Ridon, hindi lamang overpricing ang titingnan ng kanilang grupo, kundi pati ang mga proyektong flood control na sinasabing hindi naman kailangan, batay sa mga obserbasyon ng DENR.
“Ganoon din ang tanong sa dolomite beach — kailangan ba talaga ito, lalo’t hindi naman ito bahagi ng NEDA master plan para sa rehabilitasyon ng Manila Bay?” tanong ni Ridon.
Layunin ng imbestigasyon na tukuyin kung may kapabayaan, pag-aabuso, o maling paggamit ng pondo ng bayan sa mga proyektong pinondohan sa ilalim ng DPWH sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. (Boyet Barba Jr)
