Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bukas at handa ang Pilipinas na tumanggap ng mas maraming dayuhang pamumuhunan, sa kanyang talumpati sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) CEO Summit nitong Biyernes.
“The Philippines is open, ready, and eager to do business with all of you,” ani Marcos sa harap ng mga lider at negosyanteng mula sa iba’t ibang bansa sa Asya-Pasipiko.
Binanggit ng Pangulo na ang bansa ay may strategic location, malikhain at masipag na workforce, at lumalakas na innovation ecosystem, mga salik na aniya’y nakahanda upang itulak ang sustainable at inclusive growth sa rehiyon.
“Ang Pilipinas ay hindi lamang may magandang lokasyon, kundi may dinamikong lakas-paggawa, masiglang ecosystem ng inobasyon, at matatag na pangako sa patas at pangmatagalang pag-unlad,” dagdag ni Marcos.
Ipinunto rin ng Pangulo na patuloy ang administrasyon sa pagpapalakas ng digital infrastructure, connectivity, at cybersecurity, bilang bahagi ng mga hakbang upang mapalakas ang ekonomiya sa digital age.
“Handa kaming makipagtulungan upang maisakatuparan ang mga ideyang ito tungo sa konkretong resulta,” giit ni Marcos, sabay anyaya sa mga global investors na mamuhunan sa Pilipinas at maging bahagi ng patuloy na pag-angat ng bansa. (Limuel Tolentino)
