Abala sa paggawa ng mga kandila ang mga manggagawa ng DomrossCanles Factory sa Caoocan City noong Oktubre 27, 2025, bilang paghahanda sa dagsa ng demand ngayong Undas. Tradisyon na ng mga Pilipino ang pagsisindi ng kandila bilang pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay.
Ipatutupad ang “no work, no pay” policy sa darating na Sabado, Nobyembre 1, bilang paggunita sa All Saints’ Day, na itinakdang special non-working holiday sa buong bansa.
Sa inilabas na labor advisory nitong Biyernes, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang mga empleyadong hindi papasok sa trabaho ay walang matatanggap na sahod, maliban na lamang kung may company policy, practice, o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng bayad kahit sa special day.
Para naman sa mga magtatrabaho ngayong holiday, makakatanggap sila ng karagdagang 30% ng kanilang basic wage sa unang walong oras ng trabaho.
“Para sa trabahong gagawin sa special day, dapat bayaran ng employer ang empleyado ng dagdag na 30% ng basic wage para sa unang walong oras ng trabaho (basic wage x 130%).” paliwanag ng DOLE.
Kung lalampas sa walong oras ang trabaho, makakatanggap pa ang empleyado ng karagdagang 30% ng hourly rate para sa bawat oras ng overtime.
Kapag ang Nobyembre 1 ay tumapat sa rest day ng empleyado, dagdag 50% ng basic wage ang dapat ibayad para sa unang walong oras, at kung may overtime, plus 30% pa ng hourly rate.
Ang Nobyembre 1 at 2 (All Saints’ at All Souls’ Day) ay taunang okasyon kung saan dinadayo ng mga Pilipino ang mga sementeryo at columbaria upang alalahanin at gunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay. (Art Torres)
