Pinagsabihan ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magbitiw sa puwesto, kasabay ng akusasyong ginagamit umano ng Pangulo ang mga isyu ng korapsiyon para ilayo ang sarili sa kontrobersiya.
Sa panayam ng DZRH programang Damdaming Bayan, sinabi ni Singson na hindi umano dahil sa malasakit sa katapatan ng gobyerno ang mga ibinunyag na iregularidad ni Marcos Jr. sa mga flood control project, kundi isang taktika para makaiwas sa batikos.
“Nilaglag niya lahat para lang malayo sa kanya. Alam niyang puputok na ‘yan, inunahan niya, ginamit niya pa ang SONA. ‘Mahiya naman kayo,’ sabi niya. Dapat mahiya ‘tayo’ — dapat mahiya siya,” mariing pahayag ni Singson.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na tugon ang Malacañang sa panawagan ni Singson, ngunit inaasahang lalong iinit ang usapin sa gitna ng kasalukuyang imbestigasyon ng Kamara sa mga umano’y anomalya sa mga proyektong imprastraktura at flood control ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Si Singson, na matagal nang personalidad sa pulitika at dating kaalyado ng pamilya Marcos, ay kilala sa kanyang matapang na pananalita laban sa mga isyung may kinalaman sa katiwalian at paggamit ng pondo ng bayan.
