Agad na nagpadala ng medical at welfare teams ang Philippine Red Cross (PRC) South Cotabato Chapter kasunod ng naganap na pamamaril sa Banga National High School sa bayan ng Banga, nitong Biyernes ng hapon, Setyembre 18, 2026.
Batay sa paunang ulat na patuloy pang kinukumpirma, isa ang nasawi habang anim naman ang sugatan na mabilis na isinugod sa Dantom Doctors Hospital at South Cotabato Provincial Hospital.
Kabilang sa mga sugatan ang suspek na pinaniniwalaang isa ring estudyante ng naturang paaralan.
Ayon sa PRC, agad na umaksyon ang kanilang team matapos makatanggap ng ulat mula sa kanilang RC143 volunteers bandang 2:00 ng hapon.
Upang magbigay ng paunang lunas at psychological support, nagpadala ang PRC ng isang ambulansya na may apat na medical personnel, kasama ang welfare team na nakatutok sa pagbibigay ng Psychosocial First Aid (PFA) sa mga biktima at pamilya ng mga ito.
“Our hearts go out to the school community, and our teams are on the ground ensuring that victims receive immediate care,” pahayag ni PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon.
Tiniyak naman ni PRC Secretary-General Dr. Gwendolyn Pang na maglalabas sila ng mga susunod na ulat sa oras na makakuha ng karagdagang beripikadong impormasyon ukol sa insidente.
Samantala, nanawagan ang PRC sa publiko na tumawag sa kanilang hotline 143 para sa emergency assistance o anumang kaugnay na impormasyon.
