Sa gitna ng pagdiriwang ng Halloween, nagsagawa ang mga miyembro ng Alliance of Health Workers (AHW) mula sa iba’t ibang pampublikong ospital ng noontime protest ngayong Huwebes upang ilantad ang umano’y “totoong mga horror” na kinahaharap ng mga manggagawang pangkalusugan, mga bangungot na mas nakakatakot pa kaysa anumang kwentong-Halloween.
Ayon sa AHW, hindi multo o aswang ang kalaban ng mga health worker, kundi mga sistematikong problema gaya ng mababang sahod, hindi pa rin nababayarang benepisyo, kakulangan sa mga tauhan at kagamitan, at malalang korapsyon sa loob ng gobyerno.
“Hindi kami humihingi ng ‘treats’ ngayong Halloween. Ang hinihingi namin ay katarungan at kabuhayan,” pahayag ni Sally Ejes, pangulo ng Philippine Heart Center Employees Association-AHW.
“Dapat itaas sa P36,000 ang minimum na sahod ng health workers at P50,000 para sa mga nurse at allied health professionals,” dagdag pa niya.
Mariin ding tinuligsa ni Ejes ang hindi pa rin paglalabas ng medical allowance na ipinangako sa kanila.
Aniya, dapat itong ibigay nang cash at hindi sa pamamagitan ng HMO.
Noong Hunyo 25, 2025, nagpadala ang AHW ng liham kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang hilingin ang dayalogo at ipahayag ang kanilang posisyon sa mga benepisyong hindi pa naibibigay. Ngunit hanggang ngayon, ayon sa grupo, wala pa ring tugon mula sa Malacañang.
“Dapat nang ibigay ang Performance-Based Bonus (PBB) mula 2021 hanggang 2023 sa lahat ng health workers na nagsakripisyo sa panahon ng pandemya,” ani Bonifacio Carmona Jr., pambansang pangulo ng AHW.
“Habang sinasabi ng DOH at DBM na kulang ang pondo, nasasaksihan naman natin ang tuloy-tuloy na katiwalian at magastos na proyekto ng administrasyon,” dagdag pa niya.
Ibinahagi naman ni Myleen Tiangco, nurse at AHW treasurer, ang kalunos-lunos na sitwasyon sa mga pampublikong ospital:
“Araw-araw, nakikita naming nakapila nang madaling-araw ang mga pasyente, umaasang mabigyan ng lunas. Kulang ang tao, kulang ang gamit—ang tunay na horror ay ang mawalan ng kakayahang gamutin ang may sakit.”
Kinuwestyon din ng grupo ang kakulangan ng pondo para sa mass hiring ng health workers sa 2026 national budget, gayong patuloy na ipinatutupad ang zero-balance billing nang walang dagdag na tauhan.
Dagdag pa ni Eleazar Sobinsky, pangulo ng Lung Center of the Philippines Employees Association-AHW, dapat ding imbestigahan ang Department of Health (DOH) sa mga umano’y maanomalyang proyekto:
“Maraming Super Health Centers ang hindi nagagamit, may mga gamot na nag-e-expire at nasasayang, at may pondo para sa mga benepisyo na hindi nakakarating sa amin. Habang nagdurusa ang mga pasyente, may mga opisyal na nakikinabang.”
Giit ng AHW, ang korapsyon sa sektor ng kalusugan ay nagdudulot ng pagkamatay ng serbisyo publiko kung saan nawawalan ng pondo ang mga ospital, naaantala ang suweldo, at napapabayaan ang mga pasyente.
“Sobra na. Dapat nang managot ang mga sangkot. Ang kalusugan ng taumbayan ay hindi dapat gawing negosyo o bulsa ng mga tiwali,” panawagan ng grupo.
Sa pagtatapos ng kilos-protesta, tiniyak ng AHW na sasama sila sa malawakang protesta sa Nobyembre 30 upang ipagpatuloy ang kanilang laban para sa karapatan, maayos na sahod, at tapat na pamahalaan.
