Patuloy na lumalala ang polusyon dulot ng pagtagas ng molasses matapos bumagsak ang 20-ektaryang tailing pond ng isang distillery plant sa Bais City, Negros Oriental noong Oktubre 26.
Ang likas na yaman ng Tañon Strait, na dating kilala sa malinis nitong tubig at masiglang marine life, ay ngayon nagdurusa sa matinding kontaminasyon.
Ayon kay Vicente Losbañes, direktor ng Environmental Management Bureau (EMB) sa Negros Island Region, umabot na sa mahigit 3,000 ektarya ang lawak ng apektadong karagatan kahit patuloy ang containment operations ng Philippine Coast Guard at mga lokal na grupo ng disaster response.
“Hanggang Miyerkules ng hapon, tuloy pa rin ang paglawak ng polusyon,” pahayag ni Losbañes.
“Ang rehabilitasyon ng sirang tailing pond ay nasa lima hanggang sampung porsyento pa lamang.”
Ang tailing pond ay pag-aari ng Universal Robina Corporation (URC) Bais Distillery, na pagmamay-ari ng Gokongwei group.
Tinatayang 90% ng nakaimbak na basurang molasses wastewater ay tumagas na papunta sa dagat, na nagdulot ng malawakang fish kill sa baybaying-dagat ng Bais at Manjuyod.
Sampung barangay sa dalawang bayan ang nakaranas ng pag-itim ng tubig, mabahong amoy, at pagkasira ng kabuhayan.
Dahil dito, sinuspinde ang mga aktibidad sa turismo tulad ng dolphin watching sa Bais Bay at sandbar tours sa Manjuyod simula pa noong Lunes, Oktubre 27.
Ayon kay Bais City Mayor Luigi Marcel Goñi, hindi ito ang unang beses na nasangkot ang nasabing planta sa ganitong insidente.
“Paulit-ulit na itong nangyayari. Dapat nilang ayusin ito bago sila muling payagang mag-operate,” giit ni Goñi.
Noong Lunes, naglabas ng interim cease-and-desist order ang EMB-NIR laban sa operasyon ng distillery hangga’t hindi tuluyang naayos ang sirang pond.
Dagdag pa ni Losbañes, humingi siya ng rekord mula sa EMB-Central Visayas upang malaman ang kasaysayan ng pagsunod ng kompanya sa mga regulasyon sa kalikasan. (LIMUEL TOLENTINO)
