Matamis na nagsimula ngunit mapait na nagtapos ang 2025 season ni Alex Eala matapos siyang muling mabigo sa isa na namang nakakapanlulang tatlong set na laban sa WTA Hong Kong Open nitong Huwebes, Oktubre 30.
Sa kabila ng kanyang bagong career-high ranking bilang world No. 51, nabigo ang 20-anyos na Pinay tennis sensation sa kamay ng world No. 21 na si Victoria Mboko ng Canada, 3-6, 6-3, 6-4.
Maagang nagpakita ng tapang si Eala matapos makuha ang 2-0 lead sa ikatlong set, at umabot pa sa 4-1 advantage na mistulang daan patungo sa quarterfinals.
Ngunit nagbago ang ihip ng hangin nang magsimula ang five-game comeback ni Mboko, sinamantala ang mga pagkakamali ni Eala at sinelyuhan ang panalo.
Matapos ang tagumpay niya sa Guadalajara Open kung saan tinanghal siyang WTA Tour champion, tila hindi na muling nahanap ni Eala ang tamang porma.
Sa huling anim na laban sa Asia tour, apat na beses siyang natalo matapos manalo sa unang set, patunay ng kanyang struggle sa pagsasara ng mahihigpit na laro.
Natalo rin siya sa Wuhan Open matapos bumawi mula sa unang set pero hindi tinapos ang laban, habang sa Japan Open, napatumba siya agad sa unang round, 6-1, 6-2.
Sa kanyang Asian campaign, tinahak ni Eala ang mahihirap na torneo sa Jingshan, Suzhou, Wuhan, Osaka, Guangzhou, at Hong Kong, bago tuluyang tapusin ang isang mahabang, nakakapagod ngunit makabuluhang season.
Matapos ang sunod-sunod na laban, nakatakdang magpahinga si Eala ng halos dalawang buwan upang maghanda para sa 2026 Australian Open sa Enero, ang unang Grand Slam ng susunod na taon.
Bagaman puno ng kabiguan ang pagtatapos ng kanyang 2025, nananatiling positibo ang mga tagasuporta ng Pinay star na mas matatag siyang babalik sa susunod na season. (RON TOLENTINO)
