HINDI man umabot sa gintong medalya, patuloy na kumikislap ang pag-asa ni Leo Mhar Lobrido, ang batang boksingerong Pinoy na nagwagi ng bronze sa Asian Youth Games matapos matalo sa semifinals ng boys’ 46kg division nitong Martes, Oktubre 28.
Sa laban na ginanap sa Exhibition World Bahrain, nabigo si Lobrido sa kamay ni Abdugani Yorkinjonov ng Uzbekistan sa pamamagitan ng unanimous decision, 29-28, 29-28, 30-27, 30-27, 30-27.
Isa si Lobrido sa mga inaasahang medal prospect ng bansa sa torneo para sa mga atletang edad 14 hanggang 18, ngunit nanaig ang taas at karanasan ng kalaban. Gayunman, ipinakita ng 16-anyos na taga-Bago City, Negros Occidental ang tapang at potensyal ng isang tunay na Pinoy fighter.
“Siguro hindi pa ito para sa akin ngayon. Baka sa susunod na laban, makuha ko na ang ginto,” ani Lobrido.
Bago ang semifinals, dinomina ni Lobrido ang dalawang naunang laban makaraang talunin sina Salte Al Hadidi ng Jordan sa preliminary round at si Binul Dulnada Dewasiri Narayana ng Sri Lanka sa quarterfinals, na nagsiguro na agad ng medalya para sa kanya.
Sa semifinal, nakalamang si Yorkinjonov sa unang round sa iskor na 3-2, at mula roon ay tuluyang inangkin ng Uzbek ang laban.
“Ang pagkatalo ay ibig sabihin, kailangan ko pang mag-ensayo at ayusin ang mga kakulangan ko. Sa susunod, baka ginto na,” dagdag ni Lobrido, na nagsilbi ring flag bearer ng Team Philippines sa opening ceremony kasama ang volleyball player na si Harlyn Serneche.
Ang kanyang bronse ang nag-iisang medalya ng Philippine boxing team sa Asian Youth Games, kung saan anim na boksingero ang lumaban—apat na lalaki at dalawang babae.
Galing si Lobrido sa Vicera boxing family ng Negros, ang parehong angkan na nagbigay sa bansa ng mga Olympians na sina Isidro (Barcelona 1992) at Virgilio (Atlanta 1996).
Bagaman bitin sa resulta, nananatiling inspirasyon ang batang kampeon sa panibagong henerasyon ng mga boksingerong Pilipino.
“Hindi ako susuko. Gagawin kong motibasyon itong pagkatalo,” wika ni Lobrido, na ngayo’y muling magbabalik sa ensayo upang ipagpatuloy ang kanyang pangarap na maging gold medalist para sa Pilipinas. (RON TOLENTINO)
