Umalingasaw ang kontrobersya matapos hilingin sa Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa inihaing petisyon ni John Barry Tayam, binatikos niya ang Executive Order No. 94, Series of 2025, na lumikha sa ICI para mag-imbestiga sa umano’y maanomalyang flood control projects ng gobyerno.
Ayon kay Tayam, “ang ICI ay tila Philippine Truth Commission 2.0,” na dati nang idineklarang unconstitutional ng Supreme Court noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
“May conflict of interest dito,” giit ni Tayam.
“Ang iniimbestigahan ay ang DPWH, na direktang nasa ilalim ng Office of the President. Paano magiging patas ‘yan?” dagdag niya.
Dagdag pa niya, sobra-sobra na ang mga ahensiyang gumagawa ng kaparehong trabaho gaya ng Ombudsman, DOJ, at mga komite sa Senado at Kongreso kaya’t mistulang doble-doble ang imbestigasyon na magpapabagal lang sa kaso.
Binanatan din ni Tayam ang pondo ng ICI, na aniya’y walang sapat na legal na basehan dahil nakabinbin pa sa Korte Suprema ang 2025 General Appropriations Act (GAA).
“Walang legal appropriation, kaya bawal gumamit ng public funds para sa operasyon ng ICI,” diin ni Tayam.
Iminungkahi niyang mas mainam na lumikha na lang ng Board of Inquiry (BOI) sa loob ng DPWH, katulad ng ginawa noon sa Mamasapano investigation na pinamunuan ni dating CIDG Director Benjamin Magalong.
Sa dulo, inirekomenda ni Tayam na hintayin na lamang ang panukalang batas para sa Independent People’s Commission (IPC), na aniya’y mas “matibay, may legislative backing, at may contempt powers laban sa mga pasaway na opisyal.”
“Ang ICI ay hindi solusyon — dagdag problema lang sa isang gobyernong lumulubog sa sariling imbestigasyon,” mariing pahayag ni Tayam.
