Inanunsyo ng Embassy of Japan na bukas na ang aplikasyon para sa 24th batch ng Project for Human Resource Development Scholarship (JDS), isang programa na nagbibigay ng oportunidad sa mga Filipinong kawani ng pamahalaan na mag-aral ng master’s degree sa mga pangunahing unibersidad sa Japan para sa Academic Year 2026–2027.
Ang deadline ng pagsusumite ng aplikasyon ay sa Disyembre 12, 2025 (Biyernes), alas-1:00 ng hapon.
Simula nang ilunsad ang programa noong 2002, umabot na sa 479 na Pilipino ang nakatanggap ng JDS scholarship.
Ang programa ay pinopondohan ng Pamahalaan ng Japan sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA) at ipinatutupad ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Layunin nitong suportahan ang mga patakaran ng pamahalaang Pilipino sa pagpapaunlad ng human resources sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataang opisyal ng gobyerno na makapagpatuloy ng pag-aaral at pananaliksik sa Japan.
Batay sa kasunduan sa pagitan ng Pamahalaan ng Japan at ng Republika ng Pilipinas na nilagdaan noong Abril 25, 2025, ipinagpapatuloy ng dalawang bansa ang kooperasyon para maglinang ng mga susunod na lider na makatutulong sa socioeconomic development ng Pilipinas at magpapatibay sa ugnayan ng dalawang bansa.
Marami na sa mga dating JDS Fellows ang nagsisilbi ngayon sa mahahalagang posisyon sa pamahalaan at aktibong nakikilahok sa paggawa at pagpapatupad ng mga polisiya para sa kaunlaran ng bansa.
Para sa kumpletong detalye ng aplikasyon, maaaring bisitahin ang opisyal na website ng JDS Philippines sa: https://jds-scholarship.org/country/philippines/index.html. (ARNOLD PAJARON JR)
