Nakamit ng GSIS ang 100% win rate sa 2025 ARTA Awards! Ginawaran ng Gold Award ang mga sangay sa Iloilo at General Santos para sa kanilang “Excellent” rating — ang pinakamataas na pagkilalang ibinibigay sa mga ahensya ng gobyerno. Nakamit naman ng GSIS Head Office sa Pasay City at ng mga branch sa Cotabato, Dagupan, Dumaguete, Maasin, Malaybalay, Butuan, at Tuguegarao ang Silver Award para sa kanilang “Very Satisfactory” na serbisyo.
Wagi sa lahat ng aspeto!
Umiskor ng 100% success rate ang Government Service Insurance System (GSIS) sa 2025 Anti-Red Tape Authority (ARTA) Report Card Survey (RCS) 2.0 matapos tanghaling awardees ang lahat ng 10 sangay nito na isinailalim sa pagsusuri.
Sa 904 ahensiyang pampamahalaan na sinuri sa buong bansa, 59 lamang ang nakatanggap ng parangal at sampu rito ay mula sa GSIS, patunay ng maayos, mabilis, at tapat na serbisyo publiko.
Kabilang sa mga tumanggap ng Gold Award para sa “Excellent” rating ang GSIS Iloilo at GSIS General Santos, ang pinakamataas na pagkilala na ibinibigay sa mga opisina na nakakuha ng iskor na 95% hanggang 100%.
Samantala, nakatanggap naman ng Silver Award ang walong tanggapan ng GSIS, kabilang ang GSIS Head Office sa Pasay City, at ang mga branch sa Cotabato, Dagupan, Dumaguete, Maasin, Malaybalay, Butuan, at Tuguegarao — para sa kanilang “Very Satisfactory” performance.
“Providing ‘Ginhawa’ or comfort to our members and pensioners is the heart of our mission, and these awards affirm that we are on the right path,” GSIS President and General Manager Wick Veloso said. “That all our surveyed branches received an award is a powerful validation of our employees’ hard work. We are dedicated to make every transaction for our stakeholders faster, more accessible, and more convenient, because they deserve nothing less.”
Ang ARTA Report Card Survey ay isang malawakang pagsusuri na sumusukat sa kalidad ng frontline services, pasilidad, at kasiyahan ng mamamayan.
Ginanap ang parangal noong Oktubre 23 sa Conrad Manila, bilang pagkilala sa mga ahensiyang nangunguna sa pagpapatupad ng Ease of Doing Business at sa laban kontra red tape. (MINA PADERNA)
