ISANG nakaupong senador na idineklarang “pinakamahirap” sa Senado ang muling napasailalim sa kontrobersiya matapos mapag-alamang nagregalo sa kanyang asawa ng singsing na halos tatlong beses ang halaga ng kanyang buong yaman batay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Si Senator Francis “Chiz” Escudero, na kabilang sa mga opisyal ng pamahalaan na iniimbestigahan dahil sa flood control scandal, ay nagdeklara ng P18.84 milyon na net worth para sa taong 2024, dahilan upang tanghalin siyang pinakamahirap na miyembro ng Senado.
Ngunit noong Pebrero 2024, binigyan umano ni Escudero ang kanyang asawa, socialite at aktres na si Heart Evangelista, ng paraíba tourmaline gemstone na tinatayang nagkakahalaga ng $1 milyon o halos P58 milyon, tatlong beses ng kanyang kabuuang yaman.
Sa kanyang SALN, iniulat ni Escudero ang pagkakaroon ng P11.7 milyon cash, P4.95 milyon halaga ng alahas at personal na gamit, limang vintage cars, at limang real properties na minana pa noong 2013.
Nakasaad din sa dokumento na siya ay kasosyo sa Escudero Marasigan Vallente & E.H. Villareal Law Offices.
Walang sorpresa sa kabilang dulo ng talaan — si Senator Mark Villar ang muling itinanghal na pinakamayamang senador sa bansa, batay sa kanyang 2024 SALN na may ₱1.26 bilyong net worth.
Ang pamilya Villar — na kinabibilangan ng dating Senate President Manny Villar, Senadora Cynthia Villar, at kasalukuyang Senadora Camille Villar — ay isa sa mga pinakamalalaking negosyante sa bansa.
Si Mark Villar, na minsang nagsilbing kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ay isa rin sa mga iniimbestigahan kaugnay ng trilyong pisong flood control anomalies.
Samantala, si Camille Villar ay nagdeklara ng P362 milyon na net worth sa kanyang 2025 SALN.
Sumunod sa mga Villar sa listahan ng pinakamayayamang senador ang Tulfo brothers na sina Sen. Raffy Tulfo na may P1.05 bilyon, at Sen. Erwin Tulfo na may P497 milyon.
Si Raffy, na may malawak na media empire sa likod ng Raffy Tulfo in Action, ay presidente ng Raffy Tulfo in Action Foundation at direktor ng ilang kumpanya.
Si Erwin naman ay nagdeklara ng mga stocks at partnership sa ilang negosyo ngunit hindi isiniwalat ang mga pangalan ng kompanyang iyon.
Bago lumabas ang SALN ni Escudero, si Sen. Risa Hontiveros ang kinikilalang pinakamahirap na senador.
Sa kanyang 2024 SALN, idineklara ni Hontiveros ang P18.98 milyon na net worth, bahagyang tumaas mula P16.7 milyon noong 2020.
Kabilang sa kanyang mga ari-arian ang P8.7 milyon halaga ng real properties, P3.6 milyon cash deposits, dalawang sasakyan, at ilang shares sa Planet Dive Inc.
Si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan naman ay nagtala ng P26.7 milyon na net worth, ang pangalawang pinakamahirap sa Senado.
Sa kabila ng maliit na deklarasyon, kinuwestiyon ni dating Ombudsman Samuel Martires ang pagiging makatotohanan ng kanyang SALN.
“Is that believable? Why didn’t he let his wife, Sharon Cuneta, include her assets?” ani Martires.
Parehong sina Pangilinan at Escudero ay may prenuptial agreements sa kani-kanilang asawa, dahilan upang magkahiwalay ang kanilang mga ari-arian sa batas.
Habang pinupuna ng publiko ang kakulangan ng transparency sa mga SALN ng mga opisyal ng pamahalaan, nananatiling palaisipan kung paano nagawang magbigay ng P58-milyong regalo ni Escudero sa gitna ng kanyang deklarasyong halos P19 milyon lang ang kanyang kabuuang yaman.
