SA kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga matapos malambat ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City.
Ikinasa ng mga tauhan ni Navotas Police Acting Chief P/Col. Renante Pinuela ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA makaraan ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagtutulak ng droga ni alyas “Manding”.
Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagpanggap na buyer, kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-11:12 ng gabi sa Brgy. Bangkulasi.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 4.67 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P31,756.00 at buy bust money.
Nauna rito, nadakip naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation din sa Brgy., NBBS Kaunlaran, katuwang ang Police Sub-Station 4 bandang alas-3:01 ng madaling si alyas “Regor”.
Nasamsam sa kanya ang nasa 4.75 gramo ng umano’y shabu na may katumbas na halagang P32,300 at buy bust money. Sinampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JUVY LUCERO)
