Mga simbolikong lapida ang itinayo sa Boy Scout Circle sa Quezon City bilang bahagi ng malikhaing pagkilos ng Sin Tax Coalition na nananawagan ng mas mahigpit na regulasyon laban sa alak. (ART TORRES)
Sa gitna ng pagdiriwang ng Halloween, isang symbolic protest ang isinagawa ng mga kabataan at health advocates nitong Martes, Oktubre 28, upang ipanawagan sa mga mambabatas ang pagtaas ng buwis sa alak at mapigilan ang tinawag nilang “epidemya ng murang alak” na kumikitil ng buhay araw-araw.
Sa protesta na may temang “So Cheap, So Deadly: Reduce Alcohol’s Reach,” itinayo ng mga kabataan ang mga “tombstone display” bilang paalala sa 47 Pilipinong namamatay bawat araw dahil sa alcohol-related diseases at aksidente.
“Nakakakilabot na araw-araw, may namamatay na 47 na mga Pinoy dahil sa alcohol. Ang ating mga ate, kuya, at kahit mga bunsong kapatid ang nagiging casualty sa sobrang cheap at accessible ng alcohol,” ani Gwyneth Barra ng UP Economics Towards Consciousness at Sin Tax Coalition.
Ayon sa datos ng Philippine Addiction Specialists Society (PASS), tinatayang mahigit 17,000 Pilipino ang namamatay kada taon dahil sa sobrang pag-inom ng alak.
“Pagdating mo ng sementeryo ngayong Undas, may nadadagdag na dalawang puntod kada oras — at ilan sa mga ito ay kabataan,” babala ni Dr. Allandale Nacino ng PASS.
Kasama rin sa panawagan si Bataan 1st District Rep. Tony Roman, na iginiit na ang pagtaas ng alcohol tax ay isang praktikal at epektibong paraan upang mabawasan ang labis na pag-inom, mapigilan ang maagang pagkakalulong ng kabataan, at makalikom ng pondo para sa kalusugan.
“These reforms are about prevention, not punishment, and ensuring that our youth grow up in a healthier environment,” ani Roman.
Batay sa Action for Economic Reforms (AER), maaaring makalikom ang gobyerno ng bilyun-bilyong piso mula sa mas mataas na buwis sa alak — pondong maaaring gamitin para sa pagpapalawak ng mga ospital, preventive health programs, at rehabilitation centers.
Nagtapos ang protesta sa candle-lighting ceremony bilang pag-alala sa mga biktima ng alcohol-related deaths, kasabay ng panawagan sa pamahalaan na seryosohin ang lumalalang krisis sa alak sa bansa.
