Ipinahayag ng karamihan sa mga senador, kabilang na ang ilan mula sa minorya, ang kanilang pinakabagong Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), bilang bahagi ng pagsuporta sa transparency sa pamahalaan.
Batay sa mga dokumentong nakalap ng Agila ng Bayan, kabilang sa mga nagsumite ng SALN sina Bam Aquino, Pia Cayetano, JV Ejercito, Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, Ping Lacson, Lito Lapid, Loren Legarda, Erwin Tulfo, Joel Villanueva, Mark Villar, Camille Villar, at Migz Zubiri.
Kasama rin sa mga naunang naglabas ng kanilang SALN sina Vicente “Tito” Sotto III, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, Robin Padilla, Sherwin Gatchalian, at Raffy Tulfo.
Si Mark Villar ang may pinakamataas na net worth sa hanay ng mga senador, na umabot sa P1.26 bilyon.
Ayon sa kanyang SALN noong Disyembre 31, 2024, may personal properties siyang P912.19 milyon at real properties na P349.14 milyon, kabilang ang mga bahay, lupa, at condominium. Wala siyang iniulat na utang.
Kabilang sa mga negosyo niyang konektado ay Himlay Realty Inc. at Major Asset Ventures Holdings, Inc.
Samantala, ang kanyang kapatid na si Camille Villar ay nagdeklara ng P362.07 milyon na net worth, habang si Erwin Tulfo ay may P497 milyon, at si Migz Zubiri ay P431.77 milyon.
Si Jinggoy Estrada ay nagdeklara ng P221.21 milyon, habang si JV Ejercito ay may P137.07 milyon.
Si Pia Cayetano ay may P128.29 milyon, at si Ping Lacson naman ay may P244.94 milyon na net worth.
Samantala, si Lito Lapid ay nag-ulat ng P202.03 milyon, at si Loren Legarda ay may P79.21 milyon.
Ang ilan sa kanila ay nag-ulat din ng kani-kanilang mga negosyo, ari-arian, at mga kamag-anak na nagtatrabaho sa gobyerno.
Hindi pa nagsusumite ng kanilang SALN ang mga senador mula sa minority bloc na sina Alan Peter Cayetano, Imee Marcos, Ronald “Bato” Dela Rosa, Bong Go, at Rodante Marcoleta.
Ang pagpapalabas ng SALN ng mga senador ay itinuturing na hakbang tungo sa mas bukas at transparent na pamamahala, sa gitna ng panawagan ng publiko para sa mas mahigpit na pagsusuri ng yaman ng mga opisyal ng gobyerno.
